Nasa 100 baboy sa Lingayen kinatay dahil sa ASF

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2020 03:33 PM | Updated as of Feb 05 2020 04:27 PM


LINGAYEN, Pangasinan — Aabot sa 100 baboy na nagpositibo sa African swine fever ang isinailalim sa culling operation sa Barangay Namolan sa bayan na ito sa gitna ng pagkalat ng sakit sa lalawigan. 

Ayon sa Task Force ASF ng Pangasinan, kailangan katayin ang mga baboy matapos magpositibo sa ASF ang 8 blood samples na kinuha sa kanilang hanay. 

Ang hog raiser sa barangay na si Jose Dela Cruz, nag-aalboroto dahil 28 fattening pigs niya ang nasapul ng operasyon. 

"Gapo lamay fattening ko, anggapo, magsasakit, inatey, inkutkot mi la, apat na takong," ani Dela Cruz. 

(Wala na 'yung fattening ko na baboy, wala na... Masakit... Namatay, ibinaon na namin iyong apat.)

Hinala ng Provincial Veterinary Office, posibleng may nagbenta ng baboy o karne sa Bgy. Namolan mula sa mga apektadong lugar ng ASF. 

"Spillover ito [sa] Binmaley kasi sa Binmaley walang immediate culling kaya iyong possible source nilipat o ibenenta sa Lingayen," sabi ni Dr. Jovito Tabajeros, provincial veterinarian ng Pangasinan. 

Maaalalang nagdeklara ang Binmaley ng state of calamity dahil apektado ng ASF ang marami sa kanilang barangay. 

Ayon kay Tabajeros, 7 bayan at 1 siyudad na sa Pangasinan ang tinamaan na ng ASF.

Habang wala pang bakuna laban sa ASF, nakiusap ang Department of Agriculture at Provincial Veterinary Office sa lahat ng backyard hog raisers na huwag munang magpakain ng swill o kaning baboy sa mga alaga at magpatupad ng mahigpit na biosecurity measures para maiwasan ang pagkalat ng virus.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.