Mag-asawang senior, 3 aso patay sa sunog sa Novaliches

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2020 03:12 PM | Updated as of Feb 05 2020 08:04 PM

Natagpuang patay ang mag-asawa sa loob ng isang banyo, kung saan sila hinihinalang namatay dahil sa suffocation. Screengrab

MAYNILA — Patay ang mag-asawang senior citizen matapos silang makulong sa kanilang nasusunog na bahay sa Barangay Kaligayahan, Novaliches, Quezon City nitong Miyerkoles.

Kinilala ang mag-asawang Catig na sina Cresencio, 66, at Salvacion, 63.

Natagpuang patay ang mag-asawa sa loob ng isang banyo, kung saan sila hinihinalang namatay dahil sa suffocation. 

Bukod sa mag-asawa, hindi rin nakaligtas sa sunog ang kanilang 3 alagang aso. Screengrab

Patay din ang 3 aso ng dalawa.

"Matagal na sila dito nakatira... Hindi ko alam anong nangyari may tumawag lang sa akin kaya, ayun, pumunta ako dito," ani Asuncion Catig-Binuloga, kapatid ni Cresencio. 

Ayon kay Asuncion, nasa abroad ang 2 anak ng mag-asawa kaya silang dalawa lang ang nakatira sa bahay.

Watch more in iWantTFC

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), alas-4 ng madaling araw nang sumiklab ang apoy. 

Mabilis nakaresponde ang mga bumbero kaya hindi na kumalat pa ang apoy. 

"Wala tayong alarma, napatay agad ang apoy. Nagkataon lang na hindi nakalabas ang mga biktima kasi sa exit mismo ang sunog," ani Marvin Mari, Fire Senior Inspector ng BFP-Quezon City. 

Patuloy namang iniimbestigahan ang pinagmulan ng sunog. —Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.