Lalaking nagnakaw umano ng kable, patay matapos 'manlaban' sa Palawan

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2020 07:43 PM

PUERTO PRINCESA - Isang lalaki na hinihinalang nagnakaw ng kable ng streetlights sa highway dito sa lungsod ang napatay ng mga awtoridad Miyerkoles matapos umanong manlaban.

Kinilala ang suspek na si Titanic "Boy" Batul.

Ayon sa pulisya, naaktuhan ang grupo ni Batul na nagnanakaw ng mga wire ng mga streetlights sa Tagburos National Highway.

Limang suspek ang naaktuhan ngunit si Batul lang ang nahuli. Ayon sa mga awtoridad, may record na ang grupo nila ng iba’t-ibang ng pagnanakaw sa lungsod.

Umaga ng Miyerkoles ay nagkasa ng follow-up operation ang mga awtoridad upang damputin ang mga kasamahan ng suspek.

Pero ilang oras lang matapos ito, inanunsyo ng pulisya na patay na si Batul matapos umanong manlaban sa kanila habang nagsasagawa ng follow-up operation.

“Nagkaroon ng komosyon at nang-agaw ng baril ang suspek, iyon ang initial report sa atin,” ani Richard Ligad ng City Anti-Crime Task Force.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon sa insidente at aalamin kung mayroong naging foul play sa pagkamatay ni Batul.

Aminado naman ang lokal na pamahalaan na perwisyo ang mga nagnanakaw sa kanilang ginagawang proyekto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.