Lalaking 'dumukot, nanggahasa' sa 11 menor de edad arestado

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2020 05:03 PM | Updated as of Feb 05 2020 07:00 PM

Watch more in iWantTFC

Arestado ang isang lalaki dahil sa umano ay pagdukot at panggagahasa sa 11 menor de edad, ayon sa Manila police.

Sa ulat, kinilala ng pulisya ang suspek bilang si Francisco Zorilla, 45 anyos at taga-Sampaloc district.

Hinuli umano si Zorilla sa isang operasyong ikinasa ng Manila Police District Special Mayor's Reaction Team noong Lunes, bandang alas-10:45 ng gabi, sa may kanto ng C.M. Recto at N. Reyes Street sa Sampaloc.

Tinangka pa raw sagasaan ni Zorilla ang mga motorsiklong pinangharang para maaresto siya. 

Kabilang sa mga nakumpiska sa suspek ang 3 cellphone, isang hindi pa nagagamit na condom, at petroleum jelly, ayon sa pulisya.

Inamin umano ng mga biktima sa kanilang mga magulang ang pagdukot at panggagahasa sa kanila ng suspek, dahilan para lumapit ang mga ito sa Manila police.

Mayroon pa raw recruiter si Zorilla sa Tondo na siya namang nag-aalok ng pera sa mga potensiyal na biktima.

Itinanggi naman ni Zorilla ang bintang na panggagahasa, at sinabing natutuwa lamang siya sa mga biktima at sinasama ang mga ito para kumain.

Sasailalim sa counseling ang mga biktima.

Patong-patong na reklamo ang haharapin ng suspek kabilang ang abduction with rape, reckless imprudence resulting to multiple physical injuries with damage to property, at direct assault. -- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.