Higit P5 milyong halaga ng ilegal na droga nasabat sa Pangasinan

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2020 07:10 PM

DAGUPAN CITY, Pangasinan - Inaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang dayuhan matapos ang isinagawang buy-bust operation sa kanila mismong apartment sa Malued District dito sa siyudad, Martes, kung saan higit P5 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasabat. 

Kapwa mechanical engineering student sa isang unibersidad sa lungsod ang dalawang suspek. 

Ayon sa PDEA-Pangasinan, matagal na minanmanan ang dalawa dahil sa pagbebenta umano ng ilegal na droga sa lalawigan. Itinuturing na high-value target ang mga suspek na isang Sudanese at isang Yemeni.

Nasamsam sa kanila ang 1 puting plastic bag ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P4.76 million. Nakumpiska rin sa kanila ang 6 na pakete ng dried marijuana leaves na may bigat na 3 kilo at nagkakahalaga ng P264,840.

Bukod dito, nakumpiska rin sa kanila ang ilang gamit sa repacking ng ilegal na droga.

Paliwanag ng team leader ng PDEA, sila ang supplier ng iba pang foreign nationals at estudyante na nauna nang nahuli noong nakaraang taon.

Hindi lang umano sa Pangasinan ang operasyon ng dalawang drug suspects. Umaabot din umano ang dalawa sa Region 3 at Calabarzon.

Inaalam naman ngayon ng PDEA kung kabilang ba sila sa isang drug syndicate sa bansa.

Kakasuhan ang dalawa ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.