Field trips suspendido, Valentine's shows hihigpitan sa gitna ng coronavirus scare

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2020 07:22 PM | Updated as of Feb 05 2020 08:06 PM

May suot na face masks ang ilang estudyante habang papasok sa paaralan sa Barangay Batasan Hills, Quezon City noong Pebrero 3. Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA - Sinuspinde ng Department of Education ang mga outdoor school-related activities gaya ng pagdaos ng mga fieldtrip habang hihigpitan ang pagdaos ng Valentine's shows sa harap ng banta ng 2019 Novel Coronavirus (2019-nCov). 

Sa inilabas na alituntunin o panuntunan ng task force ng ahensiya kontra sa bagong coronavirus, suspendido muna ang mga national, regional, at division activities kung saan kailangan maglakbay ang mga estudyante at guro. 

Damay din ang mga National Schools Press Conference sa Cagayan na inaasahang may 6,000 kalahok at National Science Technology Fair na may 500 delegado. 

Watch more in iWantTFC

Kasama rito ang pagdaos ng fieldtrip, ayon kay Education Undersecretary Alain Pascua.

Iniatras na rin ang lahat ng mga official travel ng lahat ng kawani ng DepEd at estudyante sa mga bansang may kaso ng bagong coronavirus. 

Magtatagal pa rin ang travel restriction ngayong Pebrero pero pag-aaralan ng ahensiya kada linggo kung dapat pa itong pahabain pa. 

Tuloy pa rin ang klase sa mga paaralan, ayon sa ahensiya. 

PAGDAOS NG VALENTINE'S CONCERTS HIHIGPITAN 

Samantala, papayagan namang magpatuloy sa Pasay City ang nakatakdang mga Valentine's show. 

Pero kukunin muna ng lokal na pamahalaan ang travel history ng mga performer, ayon sa alkaldeng si Imelda Calixto-Rubiano. 

Kung galing sa mga bansang apektado ng coronavirus ang mga performer, hindi sila papayagang tumuloy sa pagtanghal, ayon kay Rubiano. 

Pinaghihigpit din sa Pasay City - na kasalukuyang may dalawang pasyenteng under investigation at under monitoring dahil sa coronavirus - ang mga establisimyento. 

"Dapat may sanitation and preventive measures sila kung hindi, magkakaroon sila ng problema sa pag-renew nila ng mga license at permits nila," ani Rubiano. 

Plano ring magpaskil ng information materials na nakasulat sa Tagalog at Chinese ang lokal na pamahalaan. Nasa 40 ang tanggapan ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Pasay. 

Bumuo ng special task force ang Caloocan kontra sa coronavirus. 

Thermal scanning naman at pamamahagi ng info flyers ang ilan sa ginawa sa Valenzuela. 

Pinagagawa naman ng mga face mask ang mga skilled worker sa San Juan, ayon kay San Juan mayor Francis Zamora.  -- Ulat nina Jasmin Romero at Doris Bigornia, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.