ALAMIN: Protocol ng ospital sakaling mag-admit ng hinihinalang 2019-nCoV patient

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2020 07:05 PM | Updated as of Feb 05 2020 09:05 PM


MAYNILA — Nitong Miyerkoles ay kinumpirma ng Department of Health (DOH) na 3 na ang naitalang kaso ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD) sa bansa habang 133 naman ang mino-monitor sa naturang virus. 

Pero ano nga ba ang patakaran ng mga pagamutan upang maayos na matugunan ang kalagayan ng 133 patient under investigation (PUI), pati na rin ang mga kumpirmadong kaso?

Ang East Avenue Medical Center (EAMC) sa Quezon City, sinabing nasa 5 ang PUI na nakalagak sa ospital. Lahat sila ay mga Pilipino na kababalik lang mula sa kanilang bakasyon sa Taiwan at Hong Kong. 

Kaya pagpasok pa lang sa nasabing pagamutan, makikita agad ang kanilang itinayong triage area. 

Ang triage area ay hiwalay sa mismong main building para hindi na dadaan sa lobby o emergency entrance kung saan maraming ibang pasyente. 

Dito unang dadalhin ang mga pasyenteng nangangambang mayroon silang novel coronavirus. Saka sila susuriin ng doktor kung meron silang mala-trangkasong sintomas o wala. 

"Kung walang sintomas, sila ay magiging PUM (patients under monitoring)... Papauwiin sila for self-quarantine ng 14 days, nasa loob lang ng kuwarto," sabi ni Dr. Dennis Ordoña, spokesperson ng EAMC.

Pero kapag may mga sintomas ang pasyente gaya ng lagnat, ubo, sipon, at sore throat, magiging PUI na ito.

Agad na dadalhin ang PUI sa isolation room sa basement ng ospital. 

BAYAD

Ayon sa EAMC, P1,000 kada araw ang bayad sa isolation room, kasama na ang pagkain, gamot at professional fee.

Giit ni Ordoña, kasama sa PhilHealth case rate ang novel coronavirus sa ilalim ng viral pneumonia na nasa P15,000 bawat admission ang halaga. 

Pero kapag lumagpas dito ang bayarin sa ospital, ang pasyente na ang magbabayad ng balance. 

Maliban na lang kapag indigent o talagang mahirap ang pasyente, puwede itong mag-avail ng "no balance billing" sa ilalim ng medical assistance program ng DOH. 

Umabot na sa higit 24,000 ang naitalang nahawahan ng novel coronavirus sa China at iba pang bansa sa Asya, North America, at Europe. Hindi naman bababa sa 490 ang mga nahawahan na namatay na.

Ang virus, galing Wuhan, ang pinakabagong uri mula sa isang pamilya ng mga virus na nagdudulot ng impeksiyon at sakit sa paghinga. 

—Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.