600 pamilya, nawalan ng bahay sa sunog sa Tondo

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2020 05:34 AM | Updated as of Feb 05 2020 06:57 PM

Watch more in iWantTFC

Aabot sa 600 pamilya ang nawalan ng bahay dahil sa sunog Miyerkoles ng madaling araw sa Block 15-B, Baseco Compound, Tondo, Maynila.

Martes alas-11 ng gabi nang magising ang mga residente sa malaking apoy mula sa ikalawang palapag sa isa sa mga bahay. Mabilis na kumalat ang apoy dahil sa dikit-dikit at gawa sa mga light material ang mga bahay.

Ayon kay Fire Supt. Roberto Samillano Jr. ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), nahirapang makapasok ang mga fire truck dahil masikip ang kalsada at mga mababang kawad ng kuryente.

Putol-putol din ang suplay ng tubig dahil natatapakan ang mga fire hydrant sa lugar. May ilang residente rin na nang-agaw ng fire hose sa mga bumbero at kinailangan pang respondehan ng mga pulis.

Idineklarang ang fire out bandang 2:48 ng madaling araw.

Sa kasagsagan ng sunog, may 2 nasugatan kabilang ang isang fire volunteer.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng BFP sa naging sanhi ng sunog. Aabot sa P2 milyon ang halaga ng pinsala sa mga ari-arian. 

Karamihan sa mga biktima ng sunog ay halos walang naisalbang gamit kaya nananawagan sila ng anumang tulong maaaring maipaabot sa kanila.-Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.