TINGNAN: Cultural show, pamamahagi ng tikoy sa pagsalubong ng Year of the Pig

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2019 03:34 PM | Updated as of Feb 05 2019 09:56 PM

Nagtanghal ang ilang dragon at lion dance groups sa ilang estabisimyento sa Maynila. Sinasabing nagbibigay-suwerte ang pagtanghal at nagtataboy ito ng mga masasamang espiritu. Mark Demayo, ABS-CBN News

Masigabo ang naging pagsalubong ng Chinese-Filipino community sa Year of the Pig sa iba't ibang panig ng bansa ngayong Martes. 

Sa Kamaynilaan, daan-daan ang nakisaya sa itinanghal na cultural show sa Quirino Grandstand sa bisperas ng Chinese New Year. 

Pagsapit ng hatinggabi ng Martes, nagliwanag ang langit sa makulay at maingay na fireworks display - na tradisyon ng mga Tsino sa paniniwalang itinataboy nito ang malas. Namigay din ang mga nagdiwang ng tikoy.

Mabenta naman sa Binondo ang mga pinaniniwalaang pampasuwerteng halaman tulad ng fortune plant, money tree, at Chinese bamboo, maging ang mga lucky charms. 

Kuwento ng mamimiling si Airish Escolano, namili siya ng lucky charms sa paniniwalang naging suwerte siya nang bumili siya noong nakaraang taon. 

"Pagbili ko last year, positive naman po 'yung nangyari. Lucky naman, kaya umulit kami," aniya. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Marami rin ang mga nagsuot ng pula sa pag-asang maganda ang magiging takbo ng taon nila.

Kahit naniniwala sa mga pampasuwerte, sa panalig pa rin sa Diyos kumakamit ang ilang nagdiwang ng Chinese New Year sa Ongpin.

Pinilahan ang harap ng Cristo De Longos, ang krus na itinayo sa Binondo sa panahon pa ng Kastila. 

Watch more in iWant or TFC.tv

SA MGA REHIYON

Louie Angchay, ABS-CBN News

Nagkaroon din ng iba't ibang pasabog ang pagdiriwang ng Chinese New Year sa mga rehiyon, gaya ng mga cultural show at fireworks display. 

Sa Davao City, tampok ang pamimigay ng candies at ang pao na pulang envelope na may lamang pera. 

Sabay-sabay rin sa pagtorotot ang mga dumalo sa cultural show sa lugar. 

Screengrab

Sinalubong din ng iba't ibang Chinese schools sa Iloilo City ang Chinese New Year sa unang pagkakataon kung saan ibinida nila ang iba't ibang pagtatanghal. 

Nagkaroon ng synchronized drum dance ang Iloilo Sun Yat Sen High School. 

Nagtanghal din ng Wushu exhibition ang isang martial arts school sa Iloilo. Tampok din ang masigabong fireworks display. -- Ulat nina Lady Vicencio, Willard Cheng, Louie Angchay, at Regi Adosto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.