Tensiyon namuo sa bayan sa Lanao Del Norte bago mag-BOL plebiscite

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2019 05:13 PM | Updated as of Feb 05 2019 08:04 PM

Bumoboto ang ilang residente ng Sultan Kudarat para sa plebisito ng Bangsamoro Organic Law noong Enero 21, 2019. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Isang araw bago ang ikalawang plebisito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL), bahagyang nagkatensiyon sa isang barangay sa bayan ng Tubod, Lanao Del Norte.

Aabot sa 100 miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) mula Lanao Del Sur ang namataan sa Barangay Bulod, na ikinatakot ng mga residente.

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi naman umano armado ang mga MILF member pero grupo-grupong dumating ang mga ito lulan ng mga pribadong sasakyan.

"Natatakot sila, baka daw may mangyari sa amin," sabi sa ABS-CBN News ng residenteng si Jean Tibon.

Pero ayon kay MILF Deputy for 119th Base Command Abu Jamel Cadayon, wala silang intensiyon na manakot kundi para mag-obserba sa idaraos na halalan sa Miyerkoles.

"Gusto namin tingnan ang maraming tao kung gusto nila ang BOL (Bangsamoro Organic Law). Hindi kami nagpunta rito para manggulo, wala sa isipan namin yan," ani Cadayon.

Agad namang dumating sa lugar ang ilang armadong sundalo.

Tiniyak din ng Tubod police na walang dapat ikatakot ang mga residente dahil kontrolado naman daw nila ang sitwasyon at ininspeksiyon ang mga MILF.

"'Yong presence ng MILF, as long as walang ginawang masama, okay lang po," ani Chief Inspector Rodolfo Dongiapon, hepe ng Tubod police.

Sa kabila ng pagtiyak ng pulisya at militar sa seguridad, ilang residente ang lumikas papuntang Iligan at Ozamiz City dahil sa takot na magkagulo lalo kapag natalo ang BOL.

Pagpapasyahan sa plebisito sa Miyerkoles kung mapapabilang ba o hindi sa bagong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang ilan pang lugar sa Mindanao.

Kabilang sa mga boboto ang anim na bayan sa Lanao del Norte at 67 barangay sa North Cotabato.

Sa North Cotabato, tatlong bayan — kabilang ang Pikit, Midsayap, at Tulunan — ang inilagay sa areas of immediate concern matapos mamataan ang mga armadong grupo.

Magsisimula ang plebisito alas-7 ng umaga at magtatapos alas-3 ng hapon.

Nauna nang nagdaos ng plebisito noong Enero 21, na naging daan sa pagkakaratipika ng BOL.

Sa ngayon, mapapabilang sa BARMM ang Cotabato City, Basilan (maliban sa Isabela City), Lanao Del Sur, Maguindanao, Sulu at Tawi-Tawi.

--Ulat nina Ron Gagalac at Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.