NHA: Kadamay occupants dadaan pa sa proseso para makuha ang unit

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2018 03:09 PM | Updated as of Aug 22 2018 09:21 PM

MAYNILA - Nanindigan ang National Housing Authority (NHA) na hindi kabilang sa mga ia-award nila sa mga miyembro ng Kadamay ang higit 3,000 units na nakalaan para sa mga informal settlers.

Ayon sa NHA, tanging mga pabahay lang na para sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa Pandi, Bulacan ang kanilang ibibigay sa Kadamay, batay sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi rin anila ibig sabihin nito ay mga pamilyang mismong umookupa na ang pagbibigyan ng bahay.

Kailangan pa umanong dumaan sa proseso ang mga miyembro ng Kadamay para malaman ng NHA kung sino ang talagang nangangailangan ng pabahay.

Batay sa impormasyon ng NHA, 71 umokupa sa pabahay sa Pandi ay dati nang nabigyan ng bahay.

Nanawagan ang ahensiya sa grupo na sumunod sa napagkasunduan na hindi na magdadagdag ng pamilya sa housing units.

Buwelta naman ng Kadamay, paraan lang ito ng NHA para siraan sila at mahati ang saloobin ng mga mahihirap.

Una nang sinabi ng presidente ng Kadamay na mismong NHA ang umano'y nangunguna sa pagpaparenta at pagbebenta ng housing units na para sa mahihirap.

--ulat mula kay Raphael Bosano, ABS-CBN News