Bilanggo dahil sa droga, suspek din sa pagnanakaw sa mga pamilihan

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2018 03:15 PM | Updated as of Aug 23 2018 09:01 AM

Napag-alaman ng Calauan police na ang suspek na nahuli nila sa isang buy-bust operation ay siya rin umanong responsable sa serye ng pagnanakaw sa mga pamilihan sa lalawigan.

Natuklasan ng pulisya sa Calauan, Laguna na ang isang bilanggong nahuli nila dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga ay siya ring suspek sa kamakailang serye ng pagnanakaw sa mga pamilihan sa lalawigan.

Miyerkoles nang mahuli sa buy-bust operation ng Calauan police si Jonel Arevalo, 22 anyos at residente ng Barangay Dayap, Calauan.

Nang ikulong si Arevalo sa lock-up cell ng Calauan Police Station, napuna ng mga pulis ang tattoo nito sa kanang brasong nakasaad ang pangalang "Maricel."

Ayon kay Inspector Roberto Santos, hepe ng Calauan police, tugma ito sa paglalarawan sa suspek na nanloob sa 3 sangay ng Alfamart Incorporated noong mga nakaraang buwan.

Naiulat ang mga pagnanakaw sa mga sangay ng nasabing pamilihan noong Nobyembre 27 sa bayan ng Victoria, Disyembre 5 sa lungsod ng Biñan, at Disyembre 26 sa Calauan.

Batay sa kuha ng CCTV sa tatlong insidente, lumalabas na iisa ang suspek sa nakawan na nakilala dahil sa tattoo nitong "Maricel" sa kanang braso.

Sa pakikipag-ugnayan ng Calauan police, sumang-ayon naman ang Biñan police at Victoria police na si Arevalo ang nasa likod ng mga nakawan na nahagip ng mga CCTV.

Nasa P323,000 ang halaga ng natangay ng suspek.

Inihahanda na ang patong-patong na kaso laban kay Arevalo.

-- Ulat ni Ronilo Dagos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.