700 pulis na nakipaglaban sa Marawi pinarangalan

ABS-CBN News

Posted at Feb 05 2018 10:29 AM

MANILA - Tumanggap ng special promotion ngayong Lunes ang 744 pulis na nakipagbakbakan sa mga terorista sa Marawi City noong nakaraang taon.

Nasa 5 buwan kinubkob ng mga terorista ang Marawi, dahilan para mamatay ang nasa 1,000 katao at masira ang karamihan ng mga istraktura ng lungsod.

Pinangunahan ni police chief Director General Ronald Dela Rosa sa Camp Crame ang pag-promote nang isang ranggo pataas sa mga kawaning tumulong mapalaya ang Marawi.

Binigyan din niya ng special promotion ang 18 pulis na nakipaglaban sa mahigit 100 rebelde ng New People's Army na sinubukang kubkubin ang police station ng Binuangan, Misamis Oriental nitong Disyembre.

Nagbabala si Dela Rosa sa sinumang aalma sa pagkilala.

"Kung sinuman, kung mayroon mang magkukuwestyon, questioning my authority to have you promoted meritoriously ay susuntukin ko sa mukha," sabi ni Dela Rosa sa mga pinarangalang kawani.

"Hindi nila alam kung gaano kahirap ang pinaghirapan niyo," dagdag niya.

Dumalo sa programa sina Army chief General Rolando Joselito Bautista at National Police Commission vice chairman Rogelio Casurao.

Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.