MAYNILA - Nasunog ang magkakadikit na bahay sa Clemente Street sa Barangay San Agustin, Quezon City pasado ala-1 ng madaling-araw ngayong Sabado.
Nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng isang bahay, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP). At dahil gawa umano ito sa light materials, mabilis na kumalat ang apoy.
Inakyat sa unang alarma ang sunog bago mag alas-dos, at pasado alas-tres ng madaling-araw nang tuluyang maapula ang apoy.
Nasunog ang mga kagamitang panghanap-buhay ng mga residente sa lugar na karamihan ay market vendors sa bayan.
Pahirapan ang kanilang paglikas dahil isa lang ang daanan palabas ng lugar.
Umaapela ng tulong sa lokal na pamahalaan ng Quezon City ang mga pamilyang naapektuhan ng sunog.
"Wala kaming naisalba," ani Fe Bani, isa sa mga nasunugan. "Kahit 'yung motor namin at bike na panghanapbuhay. Pati alaga kong hayop, mga aso pusa."
"Kay Cong. PM Vargas at Mayor Joy Belmonte, tulungan po kami dito lahat. Kasi hindi po namin alam kung paano kami magsisimula. Tulungan niyo po kami sa aming problema," sabi ni Marylou Timimang.
"Makatayo lang kami na kahit barong-barong lang po."
Nagtamo ng paso ang ilang mga residente pero wala namang naiulat na nasawi.
Tinatayang nasa P200,000 ng halaga ng ari-ariang tinupok ng apoy.
Iniimbestigahan pa sa ngayon ng BFP ang pinagmulan ng sunog.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.