PatrolPH

SAPUL SA CCTV: Panghoholdap sa gasolinahan sa QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2023 11:50 AM


MAYNILA - Arestado ang dalawa sa tatlong suspek na nangholdap umano ng isang gasolinahan sa may Katipunan Ave., Quezon City madaling araw nitong Biyernes.

Sa kuha ng CCTV, makikitang nagpapakarga ng gas ang isang puting Toyota Revo nang bumaba ang dalawang lalaki at pasukin ang kahera ng naturang gasolinahan mag-aalas-4 ng umaga.

Watch more News on iWantTFC

Hindi nakakilos ang cashier na tinutukan ng baril at doon na pinasok ang booth para kunin ang perang aabot sa halos P20,000. Tinangay rin ng mga suspek ang cellphone ng biktima.

SAPUL SA CCTV: Panghoholdap sa gasolinahan sa QC

Nagkasa agad ng operasyon ang Quezon City Police District at nahuli ang dalawa sa tatlong suspek sa Pasay City.

Nakilala ang isa sa mga suspek dahil hindi pa ito nagpapalit ng suot na damit. 

Positibo rin silang itinuro ng biktima. 

"Nung una po kasi, parang normal lang na magpapa-gas raw sila. Nagtanong sila kung naga-accept kami ng GCash. Tapos kinuha ko na yung QR. Maya-maya, may umakbay sa'kin. Doon na s'ya nag-declare ng holdap," kuwento ng kahera ng gasolinahan. 

Mahaharap sa kasong robbery ang mga suspek. 

"Gaya ng mga lahat ng aking experience, eh lahat ng mga 'yan, bagito. Ang sasabihin sa'yo, first time nilang ginawa 'yan. At saka, may mga kasong 9-1 'yan na nahukay natin. May mga mugshot sila na na-recover natin," ani QCPD District Director Nicolas Torre III.

Pinaghahanap na rin ngayon ng mga pulis ang isa pa nilang kasama sa panghoholdap. 

Paalala ng mga awtoridad, i-dial ang hotline number 122 para sa agarang pagresponde sa mga residente ng Quezon City.

-- Ulat ni Karen De Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.