PatrolPH

Libu-libong sako ng smuggled na sibuyas, ibinaon sa lupa sa Zamboanga city

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2023 06:08 PM

Mahigit 11,000 sako ng mga sibuyas ang ibinaon sa lupa sa compound ng research center ng Department of Agriculture sa Zamboanga City umaga ng Sabado 

Ang mga sibuyas ay kabilang sa tatlong magkakasunod na paghulli ng mga otoridad sa mga produktong ilegal na ipinapasok sa lungsod.

Sabi ni Florelei Mariano, Quarantine Officer ng Bureau of Plant Industry, ayon sa batas kailangang agad sirain o isoli sa lugar na pinanggalingan ng kontrabando.

Dahil umano sa dami ng nakumpiskang sibuyas, walang kakayahan ang BPI sa Zamboanga na isailalim sa pagsusuri ang mga produkto para matiyak kung mataas ang pesticide content nito.

Dahil hindi dumaan sa pagsusuri, hindi umano pwedeng isaalang-alang ang kalusugan ng mga mamamayan kung ito ay hahayaang ibenta sa publiko.

Ayon kay Mariano, posible ring may dalang ibang sakit ang mga sibuyas na maaaring maghatid ng peste sa iba pang produktong agrikultural sa lungsod.

Kamakailan hiniling ng pamahalaang lokal na ibenta na lang sa publiko ang mga sibuyas na nananatiling mataas ang presyo sa merkado. Sa ngayon, nasa P280 ang presyo ng kada kilo ng sibuyas.

Pero ayon kay Vice Mayor Josephine Pareja, kailangang respetuhin ang batas na nagsasabing kailangang sirain ang mga produktong hindi dumaan sa pagsusuri.

Ayon naman sa Bureau of Customs, wala pa silang nasasampahang kaso laban sa mga may-ari ng tatlong shipment ng sibuyas.

Ayon kay Capt Leonard George Carillo District Commander ng Customs Police Division, mahirap matukoy ang tunay na may-ari lalo't walang kaukulang papeles ang mga kargamento. Hindi rin umano matiyak kung ito ay imported o hindi.

Sa ngayon tanging ang mga pier ng Manila, Cebu, Subic, Cagayan de Oro at Davao ang pwedeng tumanggap ng mga shipment ng imported na sibuyas. - ulat ni Queenie Casimiro

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.