Ilang kalsada sa Makati isasara para sa mga kukuha ng bar exam

Anna Cerezo, ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2022 05:48 AM | Updated as of Feb 04 2022 06:32 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Isinara ng lungsod ng Makati nitong Biyernes ang ilang kalsada sa paligid ng Ateneo Law School at University of Makati.

Ito ay para magbigay-daan sa bar examinees.

Dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga bar takers, isasara ang kahabaan ng JP Rizal Street extension mula Buting hanggang Lawton Avenue mula alas-4 ng madaling araw hanggang alas-8 ng umaga.

Tanging bar takers at mga empleyado lamang ang maaaring magdaan.

Bago pahintulutang makapasok sa kahabaang ng JP Rizal, kailangan muna ng bar takers ipakita ang kanilang exam permit.

Inaabisuhan ang mga motorista na pansamantalang dumaan sa mga alternatibong ruta.

Ang mga galing Buting o Pateros ay maaaring dumaan sa Kalayaan Avenue patungo Guadalupe EDSA o sa Lawton Avenue patungo JP Rizal EDSA.

Ang mga mula naman sa Guadalupe-EDSA ay maaaring dumaan sa Lawton-Kalayaan Avenue papuntang Buting.

Pansamantalang isasara ulit ang kalsada alas-4 ng hapon hangang alas-8 ng gabi Biyernes.

Ganito rin ang schedule sa linggo, Pebrero 6.