PatrolPH

Japan properties ng PH hindi ibebenta, ani Secretary Locsin

Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2021 09:00 PM

Muling nanindigan si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. na hindi siya papayag na maibenta ang mga ari-arian ng Pilipinas sa Japan.

Ayon kay Locsin, hindi niya ibebenta ang dugo ng mga Pilipino at agad niyang ire-reject ang anumang tangkang ibenta ang nasabing mga ari-ariang reparation o danyos ng Japan para sa Pilipinas.

Sa mga nag-aakala aniya na mayroong impluwensya na iyon ay maipabenta, subukan aniya at mabibigo lang ito.

Sinabi ito ni Locsin sa pagdinig ng senate committee of foreign relations kung saan natanong naman siya ni Sen. Koko Pimentel kung saan ba nanggaling ang proposal.

Ayon kay Locsin, naabisuhan siyang may ganoong mungkahi pero hindi siya nag-abalang alamin pa kung saan nanggaling ang aniya ay "crooked proposal."

Malaki nga raw ang pasalamat niya sa Senado dahil sinuportahan ang kaniyang pagtutol dito.

Naungkat ito dahil kabilang sa agenda ng komite ang Senate Resolution No. 535 ni Sen. Leila De Lima kung saan iginiit na ipatigil ng pangulo ang kaniyang administrasiyon ang lahat ng plano na ibenta ang Philippine properties sa Japan.

Tinukoy sa resolusiyon ni De Lima na si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsabi noong September 28, 2020, na balak niyang ipabenta ang properties sa Japan para mabigyan ng dagdag na pondo ang Philhealth.

FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.