PatrolPH

Ammonia tumagas sa ice plant sa Lian, Batangas

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2021 01:05 PM | Updated as of Feb 04 2021 07:08 PM

Watch more on iWantTFC

(UPDATE) Natakot ang mga residente ng isang barangay sa Lian, Batangas matapos umapaw umano ang ammonia sa isang planta ng yelo.

Tanghali ng Miyerkoles nang magsimulang umalingasaw ang masangsang na amoy sa Sitio Bagbag, Barangay Kapito dahil sa pagtagas ng ammonia.

Ikinuwento ng mga residente na nahirapan silang huminga sa tindi ng nalanghap na amoy.

"Nagpunta kami doon sa may hangin para makalanghap po ng sariwang hangin. Sakit sa mata, halos nakakasilaw," kuwento ni Rommel Butiong.

"Sobrang baho dahil masakit sa ilong... [ang] tagal nawala, maghapon siguro 'yon," ani Roilan Dimapilis.

Sa imbestigasyon ng lokal na Environmental Management Bureau, nagkaroon ng ammonia leak habang nagsasagawa ng maintenance activity sa planta.

Ayon naman kay Leonilo Dizon, maintenance officer sa planta, walang leak na nangyari.

Nag-overflow lamang ang drum kung saan niya pinapaderetso ang dini-drain na langis at ammonia mula sa tangke.

"Talagang 'di natin sinasadya dahil 'yong hangin... malakas kasi 'yong hangin kahapon pero kung walang hangin, dito lang sa loob, walang leak na nangyari," ani Dizon.

Binuhusan ng tubig ang nag-overflow na ammonia sa drum pero dumeretso ito sa creek kaya namatay ang mga isda doon.

Sa tapang ng ammonia, natuyo rin ang mga dahon ng mga halaman sa paligid.

Wala namang nagkasakit sa mga residente pero may paalala ang lokal na health office.

"Continuous pa rin po ang observation kasi po hanggang ngayon medyo may amoy pa rin po, so possible pa rin po na mayroong mga mag-report ng mga sintomas sa atin," sabi ni Dr. Eloisa Baylosis.

Pinapayuhan ng local health authorities ang mga residente ng Lian na mag-report sa kanilang tanggapan sakaling makaranas ng pagkahilo, mahirapang huminga o sumakit ang lalamunan.

Pinatigil din muna ng lokal na EMB ang operasyon ng ice plant.

May paglabag ang planta sa Clean Water Act matapos mapunta ang ammonia sa creek, ani Luisa Garcia, head ng EMB-Batangas.

Kumuha ng water sample ang municipal environment office ng Lian sa creek.

Noong Miyerkoles, tumagas din ang ammonia sa isang ice plant sa Navotas City, kung saan 2 ang naiulat na namatay.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

 RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.