PatrolPH

55 talipapa vendors sa Passi City nagpositibo sa COVID-19: alkalde

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2021 11:30 AM | Updated as of Feb 04 2021 01:59 PM

55 talipapa vendors sa Passi City nagpositibo sa COVID-19: alkalde 1
Ronel Escaniel, ABS-CBN News/File

MAYNILA - Nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) ang 55 vendor sa iba't ibang talipapa o maliliit na wet market sa Passi City, Iloilo, ayon sa akaldeng si Stephen Palmares. 

Batay ang bilang sa pagsasailalim ng nasa 270 vendors sa mass testing protocols ng lokal na pamahalaan. Gabi ng Martes inilabas ang resulta. 

 

Nagtatrabaho sa mga talipapa sa mga lugar ng Brgy. Imbang Grande, Sablogon, Man-it, Quinaringan Pequeño, Quinaringan Grande at Gines Viejo ang mga nagpositibo sa sakit. 

Patuloy pa ang contact tracing ng mga awtoridad sa mga close contact ng mga nagpositibo sa virus. 

Sa tala ng LGU nitong Huwebes, nasa 556 na ang nagpositibo sa COVID-19 sa Passi City. 

Sa bilang, 254 ang aktibong kaso, nasa 299 naman ang gumaling, habang 3 naman ang namatay. 

Nauna nang nagpositibo sa COVID-19 ang nasa 220 vendor sa Passi City Market. 

Ang transmission umano ay galing sa isang government employee na may stall din sa loob ng nasabing palengke. Sa ngayon ay bahagya nang nabuksan ang palengke. 

Dahil sa pagdami ng kaso ng COVID-19 sa Passi ay isinailalim ang buong siyudad sa enhanced community quarantine - na pinakamahigpit sa quarantine standards na inilabas ng goyerno - hanggang Pebrero 11. 

-- Ulat ni Rolen Escaniel

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.