Private hospitals handa sa mga magpapatingin para sa novel coronavirus

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2020 07:10 PM | Updated as of Feb 04 2020 08:29 PM

Watch more in iWantTFC

Nakahanda na ang mga pribadong ospital sa Metro Manila sakaling may magpa-checkup para sa bagong uri ng coronavirus.

Sa St. Luke's Medical Center sa Quezon City, itinayo ang isang tent sakaling dumami pa ang dudulog doon para magpasuri kung nahawahan ng 2019 novel coronavirus.

Inamin ni Paolo Luna, emergency medicine physician ng ospital, na may patients under observation o iyong mga pinaghihinalaang may novel coronavirus sa St. Luke's Medical Center.

Sapat naman daw ang pasilidad ng ospital para sa mga pasyente.

"These were patients who have had history of travel to China in the past 14 days and who have had respiratory symptoms," ani Luna.

"Hindi sila in-admit sa hospital. Continuous surveillance. So we're waiting for the results of their specimen," dagdag ni Luna.

Ipinayo naman ni Allan Campo, doktor sa St. Luke's Medical Center, sa publiko na huwag magpadala sa takot.

Huwag din daw basta-basta pumunta sa ospital kung wala naman talagang nararamdaman.

"We should listen sa advise ng [Department of Health]," ani Campo.

"We should know when to go to the hospital... Kasi minsan wala naman tayong sakit, we're just worried," dagdag niya.

Sa pinakabagong ulat ng Department of Health ngayong Martes, umabot na sa 105 ang kabuuang bilang ng persons under observation.

May 2 nang kumpirmadong kaso sa bansa, kabilang ang isang lalaking Chinese na pumanaw noong weekend dahil sa pulmonya.

PARAÑAQUE IPINAGPALIBAN ANG CITYHOOD CELEBRATION

Pinaigting na rin ng mga pamahalaang lokal sa Metro Manila ang kanilang mga hakbang laban sa novel coronavirus.

Sa Parañaque City, ipinag-utos ni Mayor Edwin Olivarez na ipagpaliban muna ang pagdiriwang ng cityhood ng lungsod — na nakatakda sana sa susunod na linggo — para ibuhos ang pondo at trabaho sa mga programa laban sa virus.

Watch more in iWantTFC

Inatasan din ng pamahalaang lokal ang bawat barangay na magtayo ng health monitoring unit na siyang reresponde sa mga posibleng kaso ng bagong coronavirus.

May isolation tent din ang lungsod na handa para sa mga isusugod na positibo sa virus.

Binalaan din ni Olivarez ang mga hotel, restoran at iba pang establisimyentong na tiyaking sila'y may sanitation measures, gaya ng pagkakaroon ng hand sanitizers at pagsasagawa ng waste management, bilang pag-iingat laban virus.

Nagbanta si Olivarez na ipasasara ang mga establisimyentong hindi susunod.

Inirerekomenda rin daw ng pamahalaang lokal na ipagpaliban muna ang Valentine's Day concerts at events sa mga hotel.

Sa Mandaluyong, kinukunan ng body temperature at pinagsusuot ng face mask ang ilang pumapasok sa city hall.

Pinayuhan din ng pamahalaang lokal ang mga Chinese at iba pang dayuhang nagtatrabaho sa lungsod na kumuha ng health certificate lalo kung galing China, Hong Kong, Macau at Taiwan nitong mga nagdaang linggo.

Sa Quezon City, binigyan naman ng lecture ang mga barangay official tungkol sa virus.

Ang 2019 novel coronavirus ang pinakabagong strain sa pamilya ng mga virus na nagdudulot ng impeksiyon at sakit sa paghinga. Kinabibilangan din ito ng mga virus na nagdudulot ng Middle East respiratory syndrome (MERS) at Severe acute respiratory syndrome (SARS).

Nasa 20,000 na ang naiuulat na kaso ng novel coronavirus sa China at iba pang bansa sa Asya, North America, at Europe. Hindi naman bababa sa 425 na nahawahan ang namatay na.

Payo ng mga health official para maiwasan ang pagkakasakit ay ugaliing maghugas ng kamay at panatilihing malinis ang katawan.

-- Ulat nina Raphael Bosano, Doris Bigornia, at Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.