Ilang Pinoy sa ibang bansa na-stranded dala ng coronavirus travel ban

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2020 07:11 PM | Updated as of Feb 04 2020 07:36 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Nagkakaubusan na ng flights papunta at pabalik ng Mainland China, Hong Kong, at Macau mula nang ipatupad ang travel ban sa mga nasabing lugar sa kasagsagan ng banta sa 2019 Novel Coronavirus (2019-nCov), ayon sa grupo ng airline operators - dahilan para ma-stranded ang ilang Pinoy mula sa mga nasabing bansa.

Nagkansela na ng flights sa simula ng travel ban ang Philippine Airlines, Cebu Pacific, at Air Asia. 

May ilan man na bumiyahe, agawan naman ang mga flight schedule para rito. 

Kaya may mga pasaherong stranded gaya ng pamilya ni Jayson Ocenar at iba pang Pilipinong turista na kasama nila sa Macau. 

"Monday ng morning nabasa namin na advisory lahat ng airlines nag-cancel ng flights nila buong February, so wala na talagang flight pauwi ng Pilipinas na galing Macau," ani Ocenar. 

Apektado rin ng travel ban ang mga crew at piloto ng international flights, hindi kasi pinapayagang makapasok sa mga bansa ang mga dayuhang nanggaling sa mainland China, Hong Kong, at Macau o sino mang bumisita sa mga lugar na ito sa loob ng nakalipas na dalawang linggo. 

Hindi naman papayagang makaalis sa Pilipinas ang mga Pinoy na pupunta o dadaan lamang sa mga nabanggit na lugar. 

Kung manggagaling naman sa nasabing lugar, makakapasok pa rin sila sa bansa pero kailangan nilang sumailalim sa dalawang linggo na quarantine. 

Kaya naman pinalilinaw ng Airline Operators Council kung kinakailangang isama sa quarantine o saklaw sa travel ban ang mga airline crew. 

"If we are going to include the crew in this proclamation, that initially restricts our local airlines not to send out Filipino crew, at the same time if we send out foreign national crew, hindi na sila makakapasok dito," ayon kay AOC president Allan Nepomuceno. 

Dumepensa rin ang AOC sa isyu ng contract tracing ng kanilang mga pasahero. Mabilis naman daw nilang mabibigay ang mga hinihinging impormasyon ng gobyerno. 

"Dahil sa pagmamadali nila na makakuha ng impormasyon ay nakalimutan na nila ang protocols na ito," ani Nepomuceno. 

Sa pahayag ng Philippine Airlines at Cebu Pacific, sinabi nilang naibigay na nila ang detalye ng mga pasahero sa mga flight kung saan sumakay ang mga nagpositibo sa bagong coronavirus. 

"We have provided passenger manifest inforamtion to the Department of Health in relation to PR 2545 DGT (Dumaguete) to MNL (Manila). On top of that, PAL also reached out to the passengers. The flight carried 132 passengers," ayon sa Philippine Airlines

Ibinahagi na rin ng Cebu Pacific na nasa 60 hanggang 70 porsiyento na ang na-contact nilang pasahero sa mga nasabing flgihts. 

Naglabas din ng hotline ang Cebu Pacific para maaaring tawagan ng mga pasaherong kasama sa mga flight lkung saan sumakay ang mga nagpositibo sa 2019-nCov.

Kung kasama sa mga nasabing flights, maaaring tumawag sa Cebu Pacific sa numerong (+632) 8702 0886 mula alas-7 hanggang alas-10 ng umaga. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.