Chinese mula Wuhan, minomonitor sa GenSan sa posibleng kaso ng 2019-nCoV

Yen Mangompit, ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2020 08:46 PM | Updated as of Feb 04 2020 09:22 PM

GENERAL SANTOS - Isang lalaking Chinese ang inoobserbahan ng mga awtoridad sa lungsod na ito matapos malamang galing siya ng Wuhan, China noong Enero 23, kinumpirma ng City Health Office nitong Martes.

Walang naman umanong sintomas ng 2019 Novel Coronavirus (2019-nCoV) Acute Respiratory Disease ang lalaki pero nagpaself-quarantine na siya at isinailalim bilang "person under monitoring" (PUM).

Ayon sa health office ng lungsod, itinuturing na PUM ang isang taong may history of travel sa Wuhan -- kung saan nagsimula ang pagkalat ng 2019-nCoV -- pero walang sintomas ng sakit. Tatagal ang pagmonitor sa loob nang 14 araw.

Ang person under investigation (PUI) naman ay may history of travel sa Wuhan, may exposure sa isang taong kumpirmado o pinaghihinalaang kaso ng nCoV, at may ubo at lagnat.

Sa kabila nito, nilinaw ng city health office na ligtas pa rin ang General Santos mula sa 2019-nCoV.

Para masiguradong walang muling makakalusot mula China at sa nalalapit nitong rehiyon, mag-iimplementa ng temporary travel ban ang airport at seaport ng General Santos sa mga apektadong lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.