42 residente sa South Cotabato inoobserbahan sa hinalang may chikungunya

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2020 04:59 PM | Updated as of Feb 04 2020 05:00 PM

Nagsagawa ng fogging ang awtoridad matapos na magkaroon umano ng 42 kaso ng chikungunya virus sa tatlong purok sa Barangay Maltana sa bayan ng Tampakan, South Cotabato. Francis Canlas, ABS-CBN News

TAMPAKAN, South Cotabato – Nasa 42 mga residente sa tatlong purok sa Barangay Maltana dito sa bayan ang inoobserbahan ngayon dahil sa pinaghihinalaang kaso ng chikungunya.

Ayon kay Tampakan Mayor Leonard Escobillo, wala pa silang confirmatory test kung positibong chikungunya ang mga naturang kaso. 

Pero nakitaan umano ang mga pasyente ng sintomas gaya ng lagnat, panghihina ng katawan, pananakit ng joints at rashes. Wala din aniyang naospital. 

Noong nakaraang buwan pa umano naitala ang unang nagkasakit at sa ngayon, wala nang karagdagang naitala.

Nasa ikalawang cycle na ng fogging sa mga apektadong lugar ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng bayan. 

Ayon sa liaison officer ng MDRRMO na si Stela Pascua, nakapagsagawa na sila ng fogging sa may limang purok sa barangay bilang isa sa mga preventive measures para maiwasan ang paglaganap ng sakit na dala ng lamok.

Taong 2015, mahigit 900 ang nagkasakit ng chikungunya sa bayan. Limang barangay ang apektado kaya isinailalim ang bayan sa state of calamity.

Ang chikungunya virus ay mula sa kagat ng lamok. Hindi umano nakamamatay ang sakit na ito.

Inabisuhan pa rin ang mga residente na ugaliing maglinis ng paligid at itaob ang mga bagay na puwedeng pamugaran ng lamok.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.