3 bahay nasunog sa residential area sa QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2020 11:25 AM

MAYNILA - Natupok ang 3 bahay sa sunog na sumiklab sa IBP Road sa Brgy. Batasan, Quezon City, madaling araw nang Martes. 

Ayon kay Fire Chief Inspector Joseph Del Mundo ng BFP Quezon City, bandang alas-5 nang umaga sumiklab ang apoy sa bahay ng mag-asawang sina Rosalinda Barra at Quintos Barra, na pawang mga senior citizens.

Ayon kay Quintos, nagising sila matapos makarinig ng malakas na putok na sinundan ng apoy na nanggaling sa kanilang kisame. 

Agad na inakyat sa ika-2 alarma ang sunog matapos nitong tumawid sa bahay ng iba pa nilang mga kamag-anak. Naapula ang sunog makalipas ang isang oras.

Walang nasugatan sa insidente pero wala rin naisalbang gamit ang mga apektadong pamilya. 

Iimbestigahan naman ng BFP ang posibleng sanhi ng sunog.

-- Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.