PatrolPH

AWOL na pulis, patay matapos 'manlaban' sa Laguna

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2019 10:52 PM

BIÑAN CITY - Patay ang isang pulis na naka-absent without official leave (AWOL) matapos manlaban sa isang operasyon kontra droga sa Biñan City, Laguna nitong Lunes ng hapon.

Sinubukan pang isugod sa ospital si PO1 Anthony Bautista ngunit hindi na ito umabot nang buhay.

Naka-engkwentro niya ang kaniyang mga kapwa pulis sa Barangay San Vicente.

Ayon sa pulisya, nabilhan umano ng ilegal na droga si Bautista ngunit nakaramdam ito na pulis ang mga katransaksiyon.

Tumakbo ito sa loob ng kaniyang bahay para kumuha ng baril at pinaputukan umano ang mga operatiba.

Gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ni Bautista.

Nakuha mula sa crime scene ang kalibre .38 na baril, isang pakete ng hinihinalang shabu, at ang ginamit na buy-bust money.

Nakuha rin ang cellphone ni Bautista na may mga mensahe mula sa pinaniniwalaang parokyano niya sa droga.

Dagdag pa ng pulisya, kilala si Bautista sa pagbebenta ng ilegal na droga sa Barangay Canlalay sa Biñan City at ilang bahagi ng San Pedro, Laguna. Nasa 100 hanggang 500 gramo ng shabu anila ang ibinebenta nito kada linggo.

Taong 2012 pa nang mag-AWOL si Bautista. Huli siyang nadestino sa Pangil, Laguna. Bago ito, napatalaga muna siya nang halos tatlong taon sa Anti-Illegal Drugs Special Operations Team ng Biñan City kung saan nagsimulang lumutang ang mga ulat tungkol sa pagkakasangkot niya umano sa droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.