5 suspek sa Jolo church bombings hawak na ng pulisya

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2019 03:25 PM | Updated as of Feb 04 2019 07:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hawak na ng mga awtoridad ang pangunahing suspek at apat na iba pang lalaking dawit umano sa magkasunod na pagsabog sa isang simbahan sa Jolo, Sulu, sabi ngayong Lunes ng pinuno ng Philippine National Police (PNP).

Sumuko sa militar noong weekend si Kammah Pae o alyas "Kamah," kapatid ng yumaong Abu Sayyaf leader na si Surakah Ingog, ayon kay Director General Oscar Albayalde.

Bukod kay "Kamah," sumuko rin sina Albaji Kisae Gadjdali (alyas "Awag"), Rajan Bakil Gadjali (alyas "Radjan"), Kaisar Bakil Gadjali (alyas "Isal"), at Salit Alih (alyas "Papong") na pawang may mga papel umanong ginampanan sa pagpapasabog sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral noong Enero 27.

"Forced surrender itong nangyari (is what happened) because of the massive operations being conducted," sabi ni Albayalde.

Si Kamah umano ang gumabay sa mga suicide bomber na mismong bumomba sa simbahan.

Sumabog ang unang bomba bandang alas-8:30 ng umaga sa gitna ng misa. Isa namang bomba ang sumabog sa parking area ng simbahan habang rumeresponde ang puwersa ng gobyerno sa naunang pagsabog.

Aabot sa 23 tao ang namatay at 95 ang nasugatan sa insidente, ayon kay Albayalde.

Kasong multiple murder, attempted multiple murder at damage to property ang isinampa laban sa lima.

Kabilang ang limang suspek sa grupo ng 22 miyembro ng Abu Sayyaf na responsable sa pag-atake sa Jolo.

Pinaghahanap ang 14 iba pang suspek, kabilang ang pinuno ng grupo na si Hatib Hajan Sawadjaan. Nasawi naman ang tatlong miyembro ng grupo, kabilang ang mga suicide bomber.

Sa pagkakahuli kay Kamah, itinuturing nang "case closed" ng PNP ang pagpapasabog sa simbahan sa Jolo.

Pero ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, hindi umaamin si Kamah na may kinalaman siya sa krimen.

Kapangalan lang daw niya ang tunay na Kamah na pinaghahanap ng mga awtoridad.

"We are looking for another person whose name sounds like Kamah. But the one that surrendered to us, although he could tell us something about how the bombing was planned, he was not, he didn't participate in the bombing," ani Lorenzana.

Ayon pa sa PNP, mananatili si Kamah sa Sulu hangga't hindi sila nagkakaroon ng pahintulot mula sa korte na ilipat siya ng pasilidad.

Inaalam pa ng PNP kung si Sawadjaan ba ang nag-utos sa dalawang suicide bomber o kung lahat ba sila ay sumunod sa kumpas ng teroristang grupong Islamic State.

Nilinaw rin ni Albayalde na bagaman nangyari ang pagsabog ilang araw lamang matapos maratipika ang Bangsamoro Organic Law (BOL), walang kinalaman ang insidente sa BOL.

"It's a plain act of terror itong nangyari sa Jolo," ayon kay Albayalde.

-- May ulat nina Zhander Cayabyab at Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.