Mag-amang lumad patay sa pamamaril ng umano'y mga NPA sa Davao del Norte

Hernel Tocmo, ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2018 05:25 PM | Updated as of Feb 04 2018 09:55 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

TALAINGOD, Davao del Norte - (UPDATED) Patay ang mag-amang lumad nang pagbabarilin ng umano'y mga rebeldeng New People's Army sa kanilang bahay sa Barangay Palma Gil sa bayang ito. 

Kinilala ng Eastern Mindanao Command ang mga biktimang sina Datu Banadjao Mampaundag at anak na si Jhonard Mampaundag, na pinatay umano bandang alas-4 ng madaling araw.

Ayon kay Analyn, misis ni Datu Banadyao, higit isang dosenang NPA na naka-camoulfage ang pumalibot sa kanilang bahay. Puwersahan umanong pinalabas ang kanyang mister at anak.

Aniya, dinala ng mga NPA malayo sa kanilang bahay ang kanyang mag-ama at maya-maya lang ay nakarinig na siya ng serye ng mga putok ng baril. 

Tumakas umano ang mga NPA sakay ng dump truck na kinula nila mula sa kalapit na construction firm. Sumisigaw umano ang mga ito ng "Mabuhay ang NPA!" habang paalis. 

Miyembro ng Front 55 ni Kumander Dodong Bago Mantikinon ang mga NPA na pumatay sa mag-ama, ayon kay Police Sr. Insp. Rogaciano Gara ng Talaingod police.

Ayon kay Major Ezra Balagtey, tagapagsalita ng Eastern Mindanao Command, nakadalo pa umano ang dalawa sa IP Leaders' Summit sa Camp Panacan sa Davao City nitong Huwebes.

Sa pagtitipong ito, nangako si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lumad na maglalaan ang gobyerno ng P100 milyon para sa mga programang agrikultural sa kanilang katutubong lupa. 

Paniwala ng militar, pinatay si Datu Banadyao at ang kanyang anak dahil sa pagbawi nila ng suporta sa mga aktibidad ng mga komunista sa kanilang lugar.

Magsasampa ng kasong murder ang PNP laban sa mga salarin. --kasama ang ulat ni Paul Palacio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.