EDCA, VFA ipinrotesta sa anibersaryo ng Fil-Am War

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2018 03:03 PM | Updated as of Aug 21 2018 06:24 PM

MAYNILA - Nagmartsa papunta sa Embahada ng Estados Unidos ang ilang grupo ng kabataan ngayong Linggo, Pebrero 4, komemorasyon ng Philippine–American War.

Bitbit ang mga placard, ipinrotesta ng mga kabataan ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), gayundin ang Visiting Forces Agreement (VFA) ng Pilipinas sa Estados Unidos. 

Sa harap mismo ng embahada ng US, sinunog nila ang watawat ng Amerika bilang bahagi ng kanilang kilos-protesta. Nakabantay naman sa kanilang programa ang puwersa ng pulisya.

"Ang mga kabataan ay nandito sa harap ng embahada ng Kano para ipaglaban yung pambansang soberanya. Pagtutol sa lahat ng paraan ng pagpasok ng US sa ating bansa," ani Kara Taggaoa ng League of Filipino Students.

Binanatan din ng mga militanteng kabataan ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na tatanggalan niya ng slots ang mga estudyante ng University of the Philippines na magwo-walk out para sumali sa mga kilos-protesta. 

"President Duterte isa kang buang, baliw. Ikaw na ang mag-give up ng slot mo bago pa ang mga kabataan ay magmartsa sa lansangan gaya ng ginawa namin kay Marcos at Estrada," banat ni Taggaoa.

Mapayapang natapos ang protesta pagkatapos ang may isang oras.

Pinirmahan noong 2014, pinatitibay ng EDCA ang pagtutulungan ng magkaalyadong bansa. Pinapayagan ng naturang kasunduan ang mas pinaigting na presensya ng US military sa bansa. 

Una nang kinuwestiyon sa Korte Supreme ang EDCA na nilagdaan ni dating Pangulong Benigno Aquino III at dating US President Barack Obama. 

May mga senador kumuwestiyon sa kasunduan. Giit nila, anumang kasunduan sa pagitan ng mga bansa ay kailangang dumaan sa lehislatura, di lamang pirma ng mga pangulo. 

Sa kabila nito, pinagtibay ng Korte Suprema ang EDCA noong Enero 2016. Ang sabi ng kataas-taasang hukuman, nakaangkla ang EDCA sa VFA na dumaan na noon sa Senado at sa korte.

--Ulat nina Zhander Cayabyab at Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.