2 holdaper ng UV Express kinuyog

ABS-CBN News

Posted at Feb 04 2018 08:42 AM

MANILA - Bugbog-sarado ang 2 lalaking nangholdap umano ng UV Express van matapos silang habulin ng kanilang mga nabiktima sa Quezon City ngayong Linggo ng madaling-araw. 

Kuwento ng pasaherong si "Mark," sumakay siya sa van sa bahagi ng Diliman at nadatnang nakaupo ang mga kawatan sa likuran.

Ilang sandali lamang, nagdeklara na aniya ng holdap ang mga suspek na sina Noel Hernandez at Ramil Bustamente, na armado ng balisong. 

"Sabi ko naman iwanan na lang niya ang ID ko, kasi company-owned yun. Yung gamit, mababawi mo pa kasi may trabaho naman," ani Mark. 

Pero kinuha pa rin umano ng mga holdaper ang lahat ng gamit ni Mark, 2 pang pasahero at ng driver. Bumaba umano ang mga suspek na parang walang nangyari. 

Dahil hindi mapakali si Mark na nakuha ang kaniyang ID, nagpasya siya na habulin ang mga suspek kasama ang iba pang biktima. 

Naabutan nila sa Panay Avenue sina Hernandez at Bustamente. 
 
"Tumawag ako ng tricycle, sabi ko naholdap kami," kuwento ng pasaherong si Roi Diego. 

"Tumulong na ako kasi wala naman mawawala sa akin. Bale dinatnan namin sila doon, may nakita akong bouncer, sabi ko holdap. Tumakbo sila. Tapos may dumating ng mga pulis." 

Hindi naman itinanggi ng mga suspek ang paratang.

"Dala lang ng kahirapan. Natanggal kasi kami sa trabaho bilang pintor, 1 buwan nang walang trabaho," sabi ni Hernandez. 

Dagdag naman ni Bustamante, "Gusto ko lamang po mag-sorry." 

Mahaharap ang mga kawatan sa kasong robbery. 

Ipinaalala naman ng mga pulis na delikadong habulin ang mga suspek kaya humingi na lang ng tulong sa mga awtoridad. 

Ulat nina Ernie Manio at Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.