Umabot sa 6 na iPhone ang nakumpiska sa isang Japanese national habang nakapiit ito sa loob ng pasilidad ng Bureau of Immigration, ayon kay DOJ Secretary Jesus Crispin "Boying" Remulla. Courtesy: Bureau of Immigration
Sinibak na sa puwesto ang 36 na tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa warden facility nito sa Camp Bagong Diwa matapos malusutan ng sangkaterbang kontrabando na nadiskubre lang sa isinagawang raid ng mga tauhan ng mga awtoridad noong Enero 31.
Kabilang sa mga tinanggal sa puwesto ang mismong warden ng naturang detention facility, ayon kay Immigration Spokesperson Dana Sandoval.
Personal namang binisita ng Immigration Commissioner Norman Tansingco ang naturang pasilidad para sa pagpapalit ng mga tauhan ng detention center.
“Nagkaroon ng turnover dahil pinalitan po lahat ng mga tauhan na nandoon because of the incident that happened during the raid na naganap noong isang araw. Tama po yan, 36 po lahat-lahat ng pinalitan including the warden,” ani Sandoval.
Hindi na pinangalanan ang sinibak na warden at ang mga tauhan nito pero sabi ni Sandoval, magsisilbing warden ngayon sa nasabing pasilidad si Intelligence Officer II Leander Catalo.
Nilinaw din ni Sandoval na inilipat lang muna sa ibang opisina ng Bureau of Immigration ang mga tinanggal sa naturang pasilidad.
Hindi kasi aniya maaaring basta-basta suspendihin ang mga ito habang gumugulong pa ang imbestigasyon sa posibleng pananagutan nila o kapabayaan kung bakit nakalusot ang mga kontrabando sa warden facility.
Ayon kay Sandoval, inuuna lang na asikasuhin ng BI ang deportation ng apat na Japanese nationals at matapos ito ay tututukan naman nila ang imbestigasyon sa mga sinibak na tauhan.
“Uunahin po natin 'yung deportation ng apat na Japanese na key suspects dito sa kaso ni 'Luffy'... kung mayroong naging pagkukulang and definitely sila po ay kakasuhan kung sila ay makikitaan na mayroong connivance sa mga kalokohan inside the building,” sabi ni Sandoval.
Dagdag pa ng tagapagsalita ng BI nagpaalala na rin si Commissioner Tansingco sa mga bagong tauhan nito sa pasilidad na ayusin ang pamamalakad dito.
“Una sa lahat linisin at ayusin itong ating warden facility at ayaw po niyang maulit any such instances kagaya nung nakita natin during the raid na may nakakapasok na mga prohibited, unauthorized items inside the facility,” ani Sandoval.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.