PatrolPH

Nasa P1-M halaga ng pera, alahas natangay sa jewelry shop sa Maynila

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2021 09:24 AM | Updated as of Feb 03 2021 09:30 AM

MAYNILA - Tinangay ng hindi pa nakikilalang suspek ang tinatayang P1-milyon halaga ng mga alahas at pera mula sa isang jewelry shop sa Recto, Maynila Miyerkoles ng umaga.

Ayon sa pulisya, alas-7 ng umaga nang buksan ng may-ari ang kaniyang shop. Tinutukan siya ng baril ng suspek at sinundan sa loob.

Watch more on iWantTFC

Nagawang matangay ng suspek ang mga alahas na nagkakahalaga ng tinatayang P500,000.

Bukod sa alahas, meron ding natangay na cash ang suspek na nagkakahalaga din ng kalahating milyong piso.

Ang jewelry shop ay malapit lamang sa kanto ng Recto at Avenida.

Nagkaroon pa ng bahagyang habulan dahil may ilang residente sa lugar ang humabol pa sa suspek pero hindi na nila ito naabutan. Sumakay umano ang suspek ng motorsiklo.

Sisilipin ng pulisya ang CCTV sa lugar para makita kung nahagip nito ang pangyayari.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya para matukoy ang suspek at marekober ang ninakaw na pera at mga alahas.

Nasa P1-M halaga ng pera at alahas ang natangay sa panghoholdap sa jewelry shop sa Maynila.

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.