PatrolPH

Magnanakaw, magbebenta, bibili ng takip ng manhole mapaparusahan

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2021 07:41 PM | Updated as of Feb 04 2021 03:08 AM

Magnanakaw, magbebenta, bibili ng takip ng manhole mapaparusahan 1
Nabutas ang isang manhole sa EDSA-Pioneer kaya isinara ng MMDA ang isang lane sa pangunahing kalsada. ABS-CBN News/File

MAYNILA - Binalaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga magnanakaw ng takip ng mga manhole sa Metro Manila. 

Ayon sa MMDA, may mga naiuulat din silang mga nagnanakaw ng mga manhole at ibinebenta ang mga ito sa mga junk shop.

Kasong theft at paglabag sa Anti-Fencing Act ang kakaharapin ng mga mahuhuling nagnanakaw ng manhole at steel plate. Pananagutin din ang mga junk shop na tatanggap ng mga ito. 

Plano ng MMDA na dagdagan ang mga tauhan na nagmamando sa mga pangunahing kalsada kapag gabi para mahuli ang mga nagnanakaw ng mga manhole, ayon kay Mike Salalima, chief of staff ng MMDA. 

Watch more News on iWantTFC

Paalala pa ng MMDA, kung masira o manakaw ang takip ng manhole ay dapat agad itong palitan ng mga kompanyang nagmamay-ari nito. 

"Dapat may maintenance sila at agad na ma-replace yung mga nasira o nanakaw," ani Salalima. 

Iniulat kamakailan na nabiyak ang isang open manhole sa bandang EDSA-Pioneer kaya isinara ng mga awtoridad ang isang lane para sa kaligtasan ng mga motorista. 

"Siguro sa sobrang dami ng dumadaan, malaking sasakyan siguro, kaya nabiyak," ani MMDA EDSA Traffic chief Bong Nebrija.

Paalala pa ng MMDA na mag-ingat ang mga motorista sa mga butas na kalsada at agad na idulog sa kanilang tanggapan ang mga insidente para maiwasan ang aksidente. 

— Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.