PatrolPH

Cellphone na binili para sa online class, peke; delivery rider huli

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2021 12:26 PM | Updated as of Feb 04 2021 03:16 AM

Cellphone na binili para sa online class, peke; delivery rider huli 1
Arestado sa entrapment operation sa Las Piñas ang isang delivery rider ng online seller na umano'y nagbenta ng pekeng cellphone. Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

MAYNILA — Sulit na sana para sa waiter na si alyas "Tony" ang iPhone na nakita niyang ibinebenta ng isang seller sa Facebook noong Sabado.

Sa presyong P6,500, mabibilhan na umano niya ng iPhone 11 ang 8 taong gulang niyang anak, na magagamit para sa online class nito. Karaniwang nasa P40,000 hanggang P50,000 ang presyo ng nasabing phone.

Pero pagdating ng gadget kinabukasan, hindi naman ito magamit ni "Tony" dahil peke pala.

"'Di pa rin siya nagcha-charge hanggang sa uminit na ang phone. 'Di naman siya naka-charge, tapos umiinit na siya. Tapos hindi na namin mabuksan," ani "Tony."

Watch more on iWantTFC

Nang i-chat ni "Tony" ang seller, na may pangalang Julie Hang sa Facebook, sinabihan lang siya nito na kalikutin ang cellphone at i-charge.

Matapos sabihin ni "Tony" na hindi ito umubra, hindi na siya sinagot ng seller at na-block pa sa Facebook.

Tinulungan si "Tony" ng mga pulis at isang kaibigan na mag-order ulit ng cellphone sa seller noong Martes, na nauwi sa pagkakaaresto sa delivery rider na si alyas "Tom" sa Las Piñas.

Pero depensa ng private rider, isang linggo pa lang siyang nag-sideline para sa seller.

Sasampahan si "Tom" ng kasong estafa.

Kasama rin sa reklamo ang kapuwa at-large na sina Julie Hang at ang rider na nag-deliver ng unang cellphone kay "Tony."

Nanawagan ang Las Piñas police sa ibang biktima na makipag-ugnayan sa kanila.

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
 
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.