PatrolPH

Bangkay ng OFW na natagpuang patay sa Abu Dhabi, isinailalim sa autopsy ng NBI

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2021 12:15 AM

MAYNILA - Isinailalim na sa autopsy at DNA test ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bangkay ni Mary Anne Daynolo.

Enero 19 nang nakatanggap ng tawag si Merilita Madrigalejo mula sa embahada sa United Arab Emirates at sinabing natagpuan na ang bangkay ng kaniyang anak na si Mary Anne pero naagnas na ito. 

Nang dumating ang bangkay sa Pilipinas noong Sabado, humingi sila ng tulong sa NBI para isailalim ito sa autopsy at DNA test.

Ngunit dahil naagnas na ang bangkay at halos puro buto na lang, hindi na ito makilala kaya ang pag-asa na lang nila ay ang DNA test. 

Tapos nang gawin ang autopsy at hinihintay na lang ang resulta bago nila maiuwi ang bangkay sakaling makumpirmang iyon nga ang labi ni Mary Anne. 

Ayaw maniwala ni Merlita na patay na ang kaniyang anak pero wala aniya silang magagawa kung makumpirmang bangkay nga ito ni Mary Anne. 

"Minsan po nararamdaman ko pero talaga iniisip ko na hindi ako makapanilawala na anak ko yun. Naiisip ko talagang buhay siya," aniya.

"Pinapaniwala ko ang sarili ko na buhay siya kasi parang napakasakit yung ginawa sa anak ko, akala mo hayop," dagdag pa ni Merlita.

Ang mahalaga umano ay natagpuan ito kaya hihingi sila ng tulong para makamit ang hustisya. 

Marso 4, 2020 huling nakausap ni Merlita si Mary Anne at nagbiruan lang umano sila tungkol sa birthday ng ina. Hindi niya akalaing yun na ang huling pag-uusap nila. 

Limitado pa ang mga puwedeng sabihin ni Merlita sa media dahil kasalukuyan pa ring iniimbestigahan sa Abu Dhabi ang pagkamatay ni Mary Anne. 

Dasal ng buong pamilya nila, makamit nila ang hustisya para kay Mary Anne na naghangad lang ng magandang hanapbuhay sa ibang bansa.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.