2 dawit sa 'rentangay' modus natimbog ng PNP-HPG

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2021 07:33 PM | Updated as of Feb 03 2021 08:16 PM

Arestado ang suspek na si Roderick Paculdar at umano'y kasabwat nito sa 'rentangay' modus. Screengrab, ABS-CBN News footage

MAYNILA – Nahuli ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang dalawang suspek sa modus na 'rentangay' ng mga sasakyan. 

Napahagulgol na lamang si Roderick Placencia nang makaharap ang pangunahing suspek na si Roderick Paculdar na tumangay ng kaniyang sasakyan.

Sa halagang P12,000 nirentahan ni Paculdar nang 5 araw noong Enero ang sasakyan ni Placencia.

Pero hindi na ito naibalik sa kanya dahil isinangla na pala ito ng suspek sa halagang P300,000.
 
"Naglalaro po kasi ako sa casino, may nag-udyok sa akin na ipasok ko [sa sanglaan] dalawang araw lang," ayon sa suspek.

Naaresto si Paculdar kasama ang isang Charlie Jialono, na dawit din umano sa modus.

Limang sasakyan na nirentahan at isinangla rin ng mga suspek ang nabawi matapos matunton sa Malabon at Valenzuela City sa tulong ng GPS. 

Sa ngayon, sinampahan na ng kasong 8 counts of carnapping ang dalawang suspek. 

–Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.