Pagpasok ng African swine fever sa Davao Occidental iniimbestigahan

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2020 04:30 PM | Updated as of Feb 03 2020 08:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Inihayag ng Department of Agriculture ngayong Lunes na iniimbestigahan na nila kung paano nakaabot sa isang bayan sa Davao Occidental ang African swine fever (ASF).

Nakatakda ring magdeklara ng state of calamity sa bayan ng Don Marcelino, Davao Occidental kasunod ng kumpirmasyong nasa 3,000 baboy ang namamatay doon dahil sa African swine fever.

Sa isang press conference, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na pinagtataka nila kung paano nakarating ang sakit sa mga baboy sa Mindanao. Karamihan kasi ng mga kumpirmadong kaso bago nito ay naitala sa Luzon lamang.

"How the virus entered a remote town, theories are being investigated, we don't want to give haka-haka. In due time, we will mention what are our conclusions," anang kalihim.

Ayon kay Dar, nananatiling problema ang pag-smuggle ng mga baboy kaya patuloy ang pagkalat ng sakit.

"Ang number one problem natin ay smuggling... mga hog raisers nagsasamantala, kinukubli, hindi pinapaalam sa awtoridad," aniya.

Naka-lockdown na sa pagbiyahe ng mga baboy at karne ang buong lalawigan ng Davao Occidental.

Papanagutin umano ni Davao Occidental Governor Claude Bautista ang pamahalaang lokal dahil sa lumalang situwasyon.

Ayon naman kay Evelyn Gildore, municipal agriculturist sa Don Marcelino, posibleng noong Oktubre pa may ASF sa bayan pero hindi ito agad naiulat sa pamahalaang lokal.

Magsasagawa rin ng culling o pagpatay sa mga baboy sa backyard farms sa bayan para maiwasan ang pagkalat ng sakit, ayon kay Dar.

Nangako si Dar ng P5,000 ayuda sa kada baboy na papatayin.

Bukod sa Don Marcelino, 7 barangay sa karatig-bayan ng Malita ang binabantayan din ng mga awtoridad dahil sa mga naiulat na pagkamatay ng mga baboy.

Sa Davao City, hindi na pinapayagang makapasok ang mga baboy at karne galing Davao del Sur at Davao Occidental.

Naglabas naman ng utos si Cebu Governor Gwendolyn Garcia para pagbawalan ang pagpasok ng kahit anong produktong baboy mula Davao region.

Nakumpirma noong Setyembre 2019 ang pinakaunang kaso ng ASF sa Pilipinas, na naging dahilan para magpatupad ng ban o pagbabawal sa pag-angkat ng karne mula sa ibang bansang apektado ng sakit.

Nauna na ring nagkaroon ng ASF outbreak sa Metro Manila, Aurora, Bulacan, Bataan, Cavite, Nueva Ecija, Pangasinan, Pampanga, Rizal, at Tarlac.-- Ulat nina April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.