Mga paalis na OFW apektado ng coronavirus travel ban

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2020 07:16 PM

Watch more in iWantTFC

Sumakay pa ng roro mula Iloilo si Michelle Consumo para magtrabaho bilang household worker sa Hong Kong.

Ikinalungkot ni Consumo ang balitang nakansela ang kaniyang flight, na nakatakda sana noong umaga ng Martes.

"Nag-loan pa kami para sa pambayad ng training, lahat-lahat. Kung hindi kami aalis, paano 'yong loan namin?" ani Consumo.

Idineklara noong Linggo ng gobyerno na pinapalawig na nito ang travel ban sa buong Mainland China, Hong Kong, at Macau bilang pag-iingat laban sa novel coronavirus.

Nagmula ang bagong virus sa lungsod ng Wuhan sa lalawigan ng Hubei, China.

Kanselado ang flights ng Philippine Airlines papunta sa 3 lugar sa buong buwan ng Pebrero.

Hindi rin muna lilipad ang Cebu Pacific papuntang Hong Kong at Macau ngayong Pebrero habang hanggang Marso naman nila kinansela ang flights papuntang Mainland China.

Aabot sa 15,000 manggagawa ang maaapektuhan kung tatagal ang ban nang 2 buwan, ayon sa Society of Hong Kong-Accredited Recruiters of the Philippines.

Inatasan na ng Department of Labor and Employment ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na bigyan ng P10,000 cash assistance, accommodation sa OWWA halfway house, at libreng transportasyon ang mga OFW na apektado ng travel ban.

Maaari umanong lumapit sa OWWA assistance officers ang mga stranded sa airport o tumawag sa OWWA hotline.

Unang nagpatupad noong Biyernes ng ban sa mga biyahe sa Hubei province, ang lalawigan sa China na nakasasakop sa Wuhan city na pinagmulan ng novel coronavirus.

Bukod sa mga OFW, ilang pasahero din ang hindi makalipad palabas ng bansa dahil sa ipinataw na travel ban.

Watch more in iWantTFC

Nasa 300 turistang Chinese naman ang stranded sa Ninoy Aquino International Airport, ayon sa Bureau of Immigration (BI).

Nakikipag-ugnayan na sa Chinese embassy ang BI para masundo pauwi ang mga turista, sabi ni BI Spokesperson Dana Sandoval.

Inaayos na rin ng Department of Foreign Affairs ang flights ng mga Pinoy na lilikas mula Wuhan para makauwi sila sa linggong ito.

May 42 Pinoy na ang nagpahayag ng interes umuwi pero may ibang nagdesisyong manatili.

Nasa 2 na ang kumpirmadong kaso ng novel coronavirus sa bansa, kabilang ang isang lalaking Chinese na pumanaw dahil sa pulmonya. -- Ulat nina Zen Hernandez at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.