Ginang, natagpuang patay sa maisan sa Ilocos Sur

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2020 12:55 AM

SANTA MARIA, Ilocos Sur – Natagpuan ang isang bangkay ng babae na nakahubo, duguan ang mukha at may malalim na sugat sa ulo sa isang maisan sa Barangay Suso sa Santa Maria, Ilocos Sur, Sabado ng umaga.

Una itong nakita ng may-ari ng maisan. Kinilala ang bangkay na si Jonalyn Fabro, 40, mula Barangay Bigbiga, Santiago, Ilocos Sur.

Katabi ng bangkay ang isang malaking bato na may bahid ng dugo na maaring pinanghampas sa kaniyang ulo.

Hinihinalang ginahasa rin ang biktima.

“May possibility pero hinihintay pa natin ‘yung resulta ng mga medical exam at sa SOCO," paliwanag ni Police Captain Regin Cabico, hepe ng Santa Maria Police Station.

Hindi matanggap ng pamilya ng biktima ang sinapit nito. Ayon sa kaniyang inang si Marilou Ecraela, tanging pagnanakaw ang alam nito na motibo sa krimen.

Nawawala kasi ang suot na mga alahas at cellphone ng biktima.

“Kawawa ang anak ko, ninakawan at pinatay pa siya," ani Ecraela.

Kuwento ni Ecraela, Biyernes ng gabi nang umalis ang biktima sa kanilang bahay pero hindi umano sinabi sa pamilya kung saan pupunta.

Pero base sa imbestigasyon, nagtungo ito sa isang lamayan. Hilig rin umano ng biktima ang magsugal.

“Frequently siya na uma-attend sa mga lamayan at engaged sa sugal na isa sa aming tinignang anggulo," ani Cabico.

Patuloy ang imbestigasyon kabilang na ang pagkakakilanlan ng suspek.

Agarang hustisya ang hiling ng pamilya ng biktima.

Naulila ng biktima ang kanyang mister na nasa ibang bansa at dalawang dalagitang anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.