80 persons under investigation dahil sa bagong coronavirus: DOH

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2020 04:44 PM | Updated as of Feb 03 2020 07:10 PM

Mga health worker sa Pediatric Infectious Disease Critical Care Unit ng San Lazaro Hospital sa Maynila. Mark Demayo, ABS-CBN News

(UPDATE) Umabot na sa 80 ang itinuturing na persons under investigation (PUI) o mga taong binabantayan dahil sa bagong uri ng coronavirus, sabi ngayong Lunes ng Department of Health (DOH).

Sa press conference, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na 67 sa mga PUI ay nasa ospital at naka-isolate habang 10 ang nakauwi na pero nasa ilalim ng strict monitoring. Iyong natitira ay iyong 2 kumpirmadong kaso habang ang isa ay iyong pumanaw pero nagnegatibo sa virus.

Sa 80, 30 ang nagnegatibo sa bagong strain ng coronavirus, 2 ang nagpositibo habang hinihintay pa ang resulta ng lab test ng 48, ayon kay Duque.

Watch more in iWantTFC

Ipinaliwanag ni Duque na ang biglaang pagtaas ng bilang ng PUI ay dahil sa mas maigting na surveillance ng kagawaran.

Nakumpirma noong Miyerkoles ang pinakaunang kaso ng 2019 coronavirus sa bansa, sa isang babaeng Chinese galing Wuhan, ang lungsod sa China na pinagmulan ng sakit.

Iniulat naman ng DOH noong Linggo ang pagpanaw ng ikalawang kumpirmadong kaso — isang 44 anyos na lalaking Chinese na kasamahan ng unang pasyente.

Severe pneumonia o pulmonya ang sanhi ng pagkamatay ng lalaking pasyente.

Pero bukod sa novel coronavirus, ayon kay Duque, nagpositibo rin ang lalaki sa Streptococcus pneumoniae at Haemophilus influenza type B.

"We would say that the severe pneumonia must have been caused by the [novel coronavirus]," ani Duque.

Ayon kay Edmundo Lopez, medical director ng San Lazaro Hospital, may mga hinihintay silang papeles at nakikipag-ugnayan na sa Chinese embassy bago i-cremate ang labi ng lalaki.

Labis pa rin ang pag-iingat sa pangangasiwa sa bangkay ng pasyente dahil baka makahawa pa rin ito.

CONTACT TRACING

Ayon naman kay Chito Avelino, direktor ng DOH Epidemiology Bureau, 74 na tao na ang kanilang na-contact sa contact tracing ng mga posibleng nakasalamuha ng 2 Chinese na nagpositibo sa novel coronavirus.

Ang ilan daw sa mga ito ay nakitaan ng mga sintomas ng flu o trangkaso.

"They were given advice on home quarantine. This will involve isolation inside their house. They are not allowed to interact with their families," ani Avelino.

PULISYA TUTULONG SA LOCAL GOVERNMENTS

Inatasan naman ng Department of the Interior and Local Government ang Philippine National Police na tulungan ang mga pamahalaang lokal sakaling ayaw magpa-check up ng isang pinaghihinalaang may novel coronavirus.

Sakop din ng direktiba ang pag-check sa mga condominium unit na may mga residenteng Chinese national.

Nagpahayag naman ng kahandaan ang disaster at health officials ng mga pamahalaang lokal sa Metro Manila.

Ang mga local government ng Pasig, Parañaque at Quezon City ay nagtayo na ng isolation tent para sa mga posibleng kaso ng bagong coronavirus.

Paulit-ulit namang paalala ng mga awtoridad na iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi kumpirmadong impormasyon kaugnay ng novel coronavirus, at sa DOH at mga local government na lang makinig.

Ang 2019 novel coronavirus ang pinakabagong strain mula sa pamilya ng mga virus na nagdudulot ng impeksiyon at sakit sa paghinga.

Bukod sa China at iba pang bahagi ng Asya, kumalat na rin ang sakit sa ibang malalayong bansa gaya ng Australia, Germany, France, Finland.

-- May ulat nina Raphael Bosano, Kristine Sabillo, at Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.