36 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Cagayan de Oro

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2020 12:45 PM

Hindi bababa sa 20 bahay ang naabo sa sunog sa Cagayan de Oro City noong gabi ng Linggo. Retrato mula sa Cagayan de Oro Fire Volunteer Brigade

Aabot sa 36 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na sumiklab sa residential area sa Cagayan de Oro City noong gabi ng Linggo, ayon sa mga awtoridad.

Tinatayang nasa P1.8 milyon ang halaga ng pinsala sa ari-ariang naidulot ng sunog na tumama sa Barangay Bayabas bandang alas-7 ng gabi at tumupok sa 20 bahay.

Naapula ang sunog matapos ang higit isang oras.

Nagsimula ang apoy sa bahay ng isang Geraldine dela Coste at mabilis na kumalat dahil gawa sa light materials ang karamihan sa mga katabing bahay, ayon kay Fire Inspector Dussel Tenebro.

Hinala umano ng mga awtoridad na sanhi ng sunog ang napag-iwanang niluluto sa dirty kitchen.

Wala namang naiulat na nasugatan o namatay sa insidente.

Agad namang namahagi ng food packs, banig, at kumot ang mga tauhan ng Cagayan de Oro City Social Welfare and Development sa mga nasunugan.

-- Ulat ni Maria Cecilia Butardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.