Mga Pinoy sa Middle East sabik na para sa Misa ni Pope Francis

Maxxy Santiago, ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2019 04:50 PM | Updated as of Feb 03 2019 08:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Daan-daang mga Pinoy mula sa iba't ibang bansa sa Middle East (o Gitnang Silangan) ang nakatakdang dumalo sa makasaysayang misa na pangungunahan ni Pope Francis sa Abu Dhabi sa United Arab Emirates sa darating na Martes.

Isa ang Kuwait-based overseas Filipino worker na si Lorie Pajarillo sa daan-daang Pinoy na dadalo sa misa ni Pope Francis sa Abu Dhabi sa Martes. ABS-CBN News

Isa si Lorie Pajarillo, isang overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait, sa higit 100 mula Kuwait na lilipad pa-Abu Dhabi para matunghayan ang misa ng Santo Papa.

"We are very happy po, very thankful po and it’s a privilege for us to attend the Mass of the Pope," sabi ni Pajarillo sa panayam ng ABS-CBN News.

Sabik na rin si Joel Maurillo, isang manggagawang Pinoy mula Qatar, na makapuntang Abu Dhabi para makita at marinig ang mensahe ni Pope Francis.

"I’m excited to see the Pope," ani Maurillo.

Maging ang mga Pinoy sa Abu Dhabi ay sabik nang makita ang pinuno ng Simbahang Katoliko Romano.

"I am excited and feel blessed kasi hindi na tayo gagastos pupunta pa ng Rome," ani Rene Fernandez, isang OFW sa Abu Dhabi

Masaya rin daw si Fernandez na pinahintulutan ang ilang Katoliko sa Abu Dhabi na lumiban sa trabaho para sa okasyon.

Humingi pa ng permiso mula sa doktor ang Dubai-based Pinoy na si Jimmy Monreal para magsilbing lay minister sa nalalapit na Misa ni Pope Francis. Sumailalim kasi siya kamakailan sa kidney transplant. ABS-CBN News

Samantala, puspusan na rin ang paghahanda ng mga lay minister na tutulong sa pagbibigay ng Holy Communion sa may 135,000 taong inaasahang dadalo sa Misa ni Pope Francis.

Isa sa mga lay minister ang Dubai-based Pinoy na si Jimmy Monreal, na sumailalim sa kidney transplant anim na buwan na ang nakalilipas.

"I asked my doctor's permission, he told me puwede naman," ani Monreal.

"Inisip ko hindi ako dapat matakot kasi ang sine-serve ko dito si Lord," dagdag niya.

Ang tatlong araw na biyahe ng Santo Papa ang kauna-unahang papal visit sa Arabian Peninsula, kung saan ipinanganak ang relihiyon na Islam.

Lalahok si Pope Francis sa isang interfaith conference at makikipagpulong kay Sheikh Ahmed el-Tayeb, ang imam ng Al-Azhar, isang mosque sa Cairo, Egypt.

Nakatakdang dumating si Pope Francis alas-10 ng gabi sa Abu Dhabi (Alas-2 ng madaling araw sa Pilipinas).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.