Magsasaka tiklo nang mahulihan ng baril, marijuana sa checkpoint

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2019 03:21 PM

PASUQUIN, Ilocos Norte – Arestado ang isang magsasaka sa isang checkpoint ng mga pulis sa Barangay Naglicuan, Pasuquin, Ilocos Norte noong Biyernes.

Nakuha sa magsasakang si alyas "Dante" ang isang kalibre .38 na baril, anim na bala, at dalawang sachet ng marijuana.

"May natanggap kaming impormasyon na may dala itong baril kaya agad kaming nagsagawa ng checkpoint," ayon kay Chief Inspector Marlon Padamada.

Mariin namang itinanggi ng suspek na kaniya ang mga nakuhang baril at droga.

"Planted po ang mga nakuha," giit ni Dante.

Mahaharap sa reklamong ilegal na pag-iingat ng baril ang suspek alinsunod sa umiiral na gun ban at sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act. —Ulat ni Dianne Dy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.