Ilang Katoliko sa Jolo lakas-loob nagmisa 1 linggo matapos ang pagsabog

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2019 05:27 PM | Updated as of Feb 03 2019 08:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang linggo matapos yanigin ng dalawang pagsabog ang isang katedral sa Jolo, Sulu, lakas-loob dumalo ng misa ang ilang Katoliko para ipakita ang kanilang pananampalataya.

Gayunpaman, inamin ng isang pari na nabawasan ang bilang ng mga debotong nakiisa sa misa, na naiintindihan naman daw ng simbahan.

"Although mayroong decrease in numbers, naiintindihan ko. Andiyan pa 'yung takot nila. Gusto ko lang sabihing nandito lang kaming mga religious para hintayin sila," ani Father Ranila Janquin.

Noong nakaraang Linggo, isang bomba ang sumabog sa kalagitnaan ng misa sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral habang isa pang bomba ang yumanig sa parking lot habang rumeresponde ang mga awtoridad.

Sumatotal, nasa 22 na ang taong namatay sa naturang terorismo.

Ang isa sa mga nagsimba ngayong Linggo na si Erlinda Gigante, buong tapang dumalo sa misa kahit pa isa siya sa mga namatayan sa Jolo twin blast.

"I am the sister of Renaldo Pescadera, 'yung isang victim... Hindi ako kinakabahan, I trust in the Lord at patuloy akong magsisimba," aniya.

PARANGAL

Samantala, dumating sa Jolo ang commander ng Western Mindanao Command para parangalan ang mga sundalong nasugatan sa matinding bakbakan noong Sabado sa pagitan ng militar at Abu Sayyaf.

Kumbinsido ang militar na isa ang Abu Sayyaf lider na si Hajan Sawadjaan sa mga konektado sa twin blast.

Pero sa tindi ng bakbakan sa bayan ng Patikul noong Sabado, limang sundalo ang nasawi at 18 naman ang nasugatan.

Sa panig ng Abu Sayyaf ay tatlo anila ang napatay, kabilang ang isang banyagang terorista na si Black Moro.

Sinabi naman ng militar na tuloy ang kanilang pagtugis sa mga responsable sa terorismo.

"Iyang mga casualties na 'yan ay part and parcel ng trabaho namin... Continued ang pursuit operation," ani Lt. Gen. Arnel dela Vega.

—Ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.