Bus company sa SCTEx accident isinailalim sa preventive suspension

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2019 05:02 PM | Updated as of Feb 03 2019 05:48 PM

Isinailalim ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa preventive suspension ang bus company na Jumbo Transport matapos masangkot sa aksidente sa Tarlac kamakailan ang isa sa mga bus nito.

Sa tatlong pahinang utos ng LTFRB, na epektibo simula Pebrero 1, suspendido sa loob ng 30 araw ang 10 bus units ng Jumbo Transport at pinasusuko rin ang mga plaka ng mga ito sa legal division ng ahensiya.

Bahagi rin ng preventive suspension ang pag-inspeksiyon sa road worthiness ng mga bus ng Jumbo Transport.

Dadaan din sa road safety seminar at mandatory drug test ang mga tsuper nito.

Inatasan na rin ng LTFRB ang bus company na maglabas ng show cause kung bakit hindi sila dapat mapatawan ng suspensiyon.

Lima ang namatay at higit 40 ang nasugatan matapos salpukin ng bus ng Jumbo Transport noong Huwebes ang likurang bahagi ng isang truck sa Subic–Clark–Tarlac Expressway (SCTEx) sa may Concepcion, Tarlac.

-- May ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.