4 suspek sa pagpaslang sa QC barangay chair arestado

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2019 02:15 PM | Updated as of Feb 03 2019 06:44 PM

Naaresto na ang apat na lalaking suspek sa pagpatay sa isang barangay chairman na tatakbo rin sanang kongresista sa Quezon City, sabi ngayong Linggo ng pulisya.

Nasawi noong umaga ng Miyerkoles si Criselle Beltran, punong barangay ng Bagong Silangan, at driver niyang si Mario Salita matapos silang pagbabarilin ng mga nakamotorsiklong salarin.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga namaril kina Beltran bilang sina Teofilo Formanes at ang magkakapatid na sina Ruel, Orlando, at Joppy Juab.

Watch more in iWant or TFC.tv

Lima pang sinasabing kasabwat ang inaresto dahil sa obstruction of justice matapos daw nilang "pigilan" ang pag-aresto sa apat na main suspek. 

Dalawang iba pa ang pinaghahanap, ayon sa pulisya.

May mga lead na rin ang pulisya para matukoy kung sino ang mastermind at ano ang motibo sa pagpaslang kay Beltran, ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Guillermo Eleazar.

"As to the mastermind, investigation is still ongoing. We are certain that the gunman and other perpetrators have been identified, four of them have been arrested," sabi ni Eleazar.

Narekober umano sa mga naaresto ang mga helmet, cellphone at baril na ginamit sa krimen.

Kinasuhan na ang apat ng patong-patong na kaso kabilang ang murder, frustrated murder at illegal possession of firearms.

Nauna nang sinabi ng mga pulis na kabilang sa mga sinisilip na motibo ang politika, love triangle at negosyo.

Bukod sa pagiging opisyal ng barangay, kakandidato rin sana si Beltran sa pagkakongresista sa ikalawang distrito ng lungsod.

Pinag-aaralan pa kung kanino mapupunta ang P5 milyon pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon ukol sa mga pumatay kay Beltran. --Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.