Umano'y opisyal ng NPA sa Mindanao, arestado sa Butuan

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2018 08:18 AM | Updated as of Aug 14 2018 05:18 PM

Arestado si Leonida Guao, sinasabing finance officer ng CPP-NPA Komisyon Mindanao (KOMMID), sa Butuan City nitong Biyernes ng gabi. Kuha ng Criminal Investigation and Detection Group 13

BUTUAN CITY (UPDATE) - Arestado ang isang opisyal umano ng Communist Party of the Philippines-New People's Army (CPP-NPA) sa Barangay Bading dito, Biyernes ng gabi.

Si Leonida Guao alyas Leah/Ligaya/Laya, sinasabing finance officer ng CPP-NPA Komisyon Mindanao (KOMMID), ay inaresto ng mga pulis at sundalo dahil sa kasong murder.

Inihain kay Guao ang warrant of arrest na inisyu ni Regional Trial Court Branch 7 Acting Presiding Judge Lou Nueva noong Disyembre 4, 2017.

Si Guao din umano ang responsable sa synchronization at distribusyon ng extortion money sa Mindanao, dagdag ng mga awtoridad.

"Ah maraming alam ito regarding sa extortion activities in Caraga, not only in Cargaa but entire Mindanao bilang isang Finance Head ng Komisyon sa Mindanao. Kaya alam nito ang lahat ng pasikot-sikot tungkol sa finances ng Mindanao Commission especially sa ectortion activities dito sa Mindanao" ani Brig. Gen. Franco Gacal, commander ng 402nd Brigade, 4th Infantry Division.

Nilinaw rin ng mga awtoridad na hindi miyembro ng peace talks panel si Guao. Naniniwala si Gacal na naging malaking kawalan si Guao sa NPA dahil mahirap kumuha ng pwedeng pumalit dito bukod pa sa mapagkakatiwalaang tao.

Inaresto si Guao sa kasong murder sa Barangay Bading, Butuan City nitong Biyernes. Kuha ng Philippine Army 402nd Brigade

Sa nakuhang impormasyon ng PNP Caraga, nanirahan si Guao sa Barangay Babag, Butuan City mula 1985 at may negosyong Buy and Sell ng dry goods. 

Lumipat at nangupahan siya sa Barangay Bading nitong Disyembre 2017. Bago pa man ito naging finance head, dati itong head ng Regional Education Bureau ng NPA-Northeast Mindanao Regional Command.

Ayon kay PNP Caraga spokesperson Senior Insp. Analee Enriquez, nahuli si Guao sa tulong ng natanggap nilang impormasyon mula sa mga concerned citizen.

"Pinalakas po natin ang collaboration with the Philippine Army and entire community, so with that, ang law enforcement natin hindi lang po purely ang effort ay sa pulis, kasama po dito ang komunidad" ani Enriquez.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG si Guao at isinailalim sa tactical interrogation kaya’t hindi pinahintulutan ang media na makuha ang panig nito. 

Inaresto si Guao sa kasong murder sa Barangay Bading, Butuan City nitong Biyernes. Kuha ng Philippine Army 402nd Brigade

Nakatakda siyang iturn-over sa RTC Branch 7 sa Bayugan City at maaaring makulong sa Agusan del Sur Provincial Jail.

Ang pagkakaaresto kay Guao ay naganap ilang araw matapos ang pagkakadakip kay Rafael Baylosis na consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Arestado rin ang kasamahan ni Baylosis na si Roque Guillermo, umano'y miyembro ng NPA, sa kasong illegal possession of firearms and explosives.

Naging sunod-sunod ang pagdakip sa mga miyembro ng CPP-NPA matapos maglabas ang Manila Regional Trial Court ng utos para muling arestuhin ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon, na mga itinuturong lider ng NPA.

Ang korte ay nagdesisyon na muling ipaaresto ang mga miyembro ng komunistang kilusan matapos pormal na tapusin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usapang pangkapayapan sa pagitan ng gobyerno at mga komunista dahil sa tuloy-tuloy na pag-atake ng mga rebelde sa mga probinsya kahit na may nagaganap na mga negosasyon.

Una nang pinalaya pansamantala ang ilang lider ng kilusan upang makibahagi sa negosasyon. 

- Ulat mula kay Lorilly Awitan at May Diez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.