SOCO: Bangkay ng babae, natagpuan sa SLEX

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2018 02:55 PM

 

 

Sa edad na 16-anyos, pumasok na sa isang seryosong relasyon si Clarissalyn "Isay" Lizardo.

“Mga bata pa kasi sila nag-asawa niyan. Siguro 16 or 17 years old si Isay no’n. Siyempre mga bata pa, barkada, do’n pa lang nage-explore siya sa barkada,” kuwento ni Catherine, kapatid ni Isay.

Bagama't nagkaroon ng dalawang anak si Isay, unti-unti raw nagkalamat ang kanilang relasyon ng kinakasama. 

“Lagi silang nag-aaway [do’n] sa bahay [na ‘yun].”

Matapos ang apat na taong pagsasama, napagdesisyunan ni Isay na makipaghiwalay. Itinuon na lamang niya ang kaniyang atensyon sa dalawang anak.

Makalipas ang isang taon, muling umibig si Isay sa kaniyang kaibigan na si Alfredo “Jay-Ar” Torres Jr.

“Nakilala ko lang kasi ['yung bago niyang kinakasama] nung nagsasama sila dati ng tatay ng mga anak niya,” ani Catherine.

“Pumupunta-punta kasi si Jay-Ar sa bahay nung nagsasama pa sila nung dati niyang ka-live-in. Naging ninong siya. Siguro nagkapalagayan sila ng loob, gano’n.”

Lubos namang tinutulan ng mga kaanak ni Isay ang kanilang relasyon.

“Para sa akin, hindi ko siya gustong makarelasyon ni Isay no’ng una ko pa lang na nalaman ko na gano’n kasi mula nang naging sila, si Isay parang nagbago 'yung ugali niya,” ayon kay Catherine.

“Sa mga nabalitaan ko [tungkol kay Jay-Ar], hindi maganda. Kaya hindi ako pumayag na pakisamahan niya," sabi ng ama ni Isay na si Leonardo Lizardo.

Naging realidad ang pangamba ng pamilya ni Isay nang matagpuan ang kaniyang bangkay na nakabalot ng car matting at bed sheet sa South Luzon Expressway (SLEX) malapit sa Cabuyao exit sa Laguna.

"'Yung victim, dahil two days na siyang patay, medyo lumolobo na 'yung katawan niya," obserbasyon ni Chief Insp. Jesus Lintag. 

"Nung SOCO (Scene of the Crime Operatives) na [ang nag-imbestiga], mayroong gunshot wound," dagdag ng pulis.

"'Yung buhok pa lang niya nung nakatuwad siya, tinapon siya do'n. Buhok pa lang niya, alam na namin na siya na 'yun eh," sabi ni Catherine.

"Nanlumo ako kasi lalo nung pinakita sa'min 'yung mga [crime scene photos], parang hindi gawa ng tao 'yung ginawa nila," banggit naman ni Leonardo.

"Ginawa nilang hayop ang anak ko. Basta na lang itinapon pagkatapos patayin."

Panoorin ang kuwento ni Isay sa “SOCO: Scene of the Crime Operatives” tampok ang mga "Crimes of Passion" ngayong Pebrero 3, Sabado, 4 p.m. pagkatapos ng “Ipaglaban Mo!” sa ABS-CBN.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.