Lalaki arestado sa panggagahasa ng 7-anyos na pamangkin sa Tondo

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2018 05:22 PM | Updated as of Aug 14 2018 05:16 PM

Arestado Biyernes ang isang 20-anyos na lalaki matapos umanong gahasain ang kaniyang 7-anyos na pamangkin sa kanilang bahay sa Gagalangin, Tondo, Maynila nitong Huwebes.

Ayon kay Senior Insp. Victor De Leon, hepe ng Gagalangin PCP, nadakip ang suspek alas-8:30 ng gabi matapos silang makatanggap ng impormasyon na nagtatago ang suspek sa Blumentritt corner Antipolo Street.

Ginahasa umano ng suspek noong Huwebes ng madaling araw ang kaniyang pamangkin. Agad naman nagsumbong ang bata sa kaniyang ina at iniulat sa mga pulis ang pangyayari.

Mariing itinanggi ng suspek ang paratang, kahit na lumabas sa resulta ng medico legal na may sugat ang ari ng bata.

Paliwanag niya, umakyat lamang siya sa bahay at pumasok sa kwarto kung saan natutulog ang bata dahil naiwan niya dito ang kaniyang belt bag at sumbrero.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.