Babaeng sinita dahil sa ilegal na pagparada, nagwala, nambugbog ng tanod

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2018 06:07 PM | Updated as of Feb 03 2018 06:41 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Viral ngayon sa social media ang video ng isang babaeng nagwala at nanakit ng barangay tanod matapos ma-clamp ang kaniyang sasakyan dahil umano sa ilegal na pagkakaparada nito.

Sa kuha ng cellphone video ni Franceska Ravela, makikita ang paghi-hysterical ng isang babae sa may Annapolis, Greenhills sa San Juan City.

Gumitna pa sa kalsada ang babae hanggang sa pinaghahampas niya ang isang tauhan ng Brgy. Greenhills habang nagwawala at sumisigaw na alisin ang clamp sa kaniyang sasakyan.

Inulan ng busina mula sa mga motorista ang babae matapos siyang umupo sa gitna ng kalsada.

Ayon sa barangay, nakilala ang babae sa video na si Celeste Astovesa. 

Ayon sa nabugbog na clamping personnel na si Rudy Ladisla, galing bangko si Astovesa at sinabihan pa umano ng guwardya na huwag magpaparada sa Mabuhay Lane, pero hindi nakinig ang babae.

Nang malamang na-clamp ang sasakyan ay doon na raw nagwala si Astovesa.

"Galit kasi nalaman niya na kinlamp ang kotse niya. Nagwala sa galit... Pinagmumura ako, binato pa ako ng barya, pinagtatadyakan... Dumura pa sa kasama ko," kuwento ni Ladisla. 

Tumagal pa ng mahigit isang oras ang pagwawala ni Astoveza.

Sa video na kuha mismo sa cellphone ni Ladisla, makikitang dumating ang kapatid umano ni Astoveza na naka-military uniform. Pero hindi pa rin siya maawat at muling sinapok at pinagsisipa ang tauhan ng barangay.

Rumesponde na rin ang mga pulis at tauhan ng Women and Children's Desk. 

Ayon sa barangay, nagpakilalang taga-Armed Forces of the Philippines at miyembro ng Presidential Security Group ang kapatid ng babae na si Major Alejandro Astoveza.

Nakuha rin ng babaeng driver ang kaniyang sasakyan matapos siyang huminahon.

Pero ayon sa mga nakaalitang awtoridad, hindi maaring palampasin ang nangyari.

Nahaharap sa kasong alarm and scandal at physical injuries si Astoveza.

Sinubukan naman ng ABS-CBN News na puntahan ang tirahan ni Astoveza para makuhanan ng pahayag pero hindi siya humarap at sumagot sa tawag.

--Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.